3x3 Dream, kampeon sa Women's National Basketball League
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 8, 2022

Pinatulog ng Uratex Dream ang kapatid na Uratex Tibay, 21-18, patungo sa kampeonato ng 2022 Women’s National Basketball League (WNBL) 3x3 Leg Four noong Sabado sa Muntinlupa Sports Center.
Ito na rin ang hudyat ng pagbabalik ng Dream sa trono at kabuuang pangatlo nilang titulo sa serye ng una at natatanging ligang propesyunal ng tatluhan para sa kababaihan sa bansa.
Unang humataw ang Tibay sa 5-0 lamang pero rumatrat ng pinagsamang anim na malalayong two-points na sina Alyssa Villamor, Kaye Pingol at Angel Anies upang itayo ang 14-7 lamang para sa Dream. Hindi sumuko ang Tibay at nagawa pang ipantay saglit ang laban, 18-18, subalit sinagot ito ng dalawang mahalagang shoot ni Tina Deacon at mabuting depensa bago wakasan ni Anies ang laban sa kanyang saksak na may eksaktong isang minuto pa sa orasan.
Napiling Most Valuable Player ng yugto si Villamor, ang kanyang pangalawa kasunod ang parehong parangal sa Leg Two noong Pebrero. Nag-uwi ng P15,000 ang Dream, P10,000 ang para sa Tibay at P5,000 para sa pumangatlong STAN Quezon Lady Spartan at may kasamang medalya para sa lahat.
Sa semifinals, nanaig ang Tibay sa Bicygnal, 14-9, upang makapasok sa finals sa unang pagkakataon at sinundan ng 22-9 tagumpay ng Dream sa Lady Spartan. Parehong silang nagtapos ng numero uno sa elimination round sa Grupo A at B sa magkaibang paraan.
Isa-isang pinabagsak ng Dream ang Davao Royal Eagles (21-8), We Got Next (21-11), Got Game (22-8) at Bicygnal (21-12) sa Grupo B. Matapos walisin ang Panukalan Quezon (21-3) at Boosted Pangasinan (21-9), nadisgrasya ang Tibay sa Lady Spartan (13-14) subalit bumawi sa huling laro kontra Angelis Resort (19-13) upang lumikha ng tabla sa 3-1 panalo-talo kasama ang Lady Spartan at ang natanggal na Angelis Resort sa Grupo B.
Ang ika-lima at susunod na yugto ay nakaplano para sa Setyembre at isasabay ito sa pagbubukas ng mga bagong conference ng NBL Chairman’s Cup at WNBL. Inaabangan din ang pagbabalik ng mas pinalaking NBL Youth at unang sabak ng WNBL D-League tampok ang ilang varsity na gaganapin bago ang katapusan ng Agosto.





Comments