37 inaresto sa illegal mining, patay sa selda

ni Justine Berganio @Overseas News | September 19, 2026

Photo: AP / File
Patay ang 37 katao na inaresto dahil sa umano’y illegal mining matapos matagpuang wala nang buhay sa detention facility ng Nigerian Security and Civil Defence Corps (NSCDC) sa Niger state, Nigeria.
Arestado ang grupo noong Martes malapit sa Borgu dahil sa hinihinalang illegal gold mining. Makalipas ang dalawang araw, natagpuan silang patay sa loob ng detention center.
Una nang sinabi ng NSCDC na posibleng disease outbreak ang sanhi, kabilang ang diphtheria, pero nilinaw ng national headquarters na wala pang kumpirmadong dahilan at kailangan pa ng medical at laboratory tests.
Ayon naman sa isang intelligence report, maaaring overcrowding at mahinang ventilation sa selda ang nagdulot ng pagkamatay. Sinabi ng survivor na nasa 65 katao ang nagsiksikan sa isang kulob na selda.
Kinuwestiyon din ng ilang pamilya ang opisyal na paliwanag at nanawagan ng independent post-mortem. Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.
Idineklara ni Niger Governor Mohammed Umaru Bago ang tatlong araw na mourning at ipinagpaliban ang pagsisimula ng election campaign. Isang NSCDC commander ang isinailalim din sa kustodiya kaugnay ng insidente.
Dinala na sa general hospital sa Minna ang mga labi para sa pagsusuri. Patuloy ding sinisiyasat ang illegal gold mining sa lugar, na iniuugnay ng mga awtoridad at eksperto sa criminal gang violence at illegal gold trafficking.





Comments