37-anyos na ayaw tumandang dalaga, mapapasagot ng dati nang manliligaw at pang-forever na
- BULGAR
- Oct 1, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 1, 2021

KATANUNGAN
Naisipan kong kumonsulta sa inyo kasi umabot na ako ng edad 37 nang hindi pa nakapag-aasawa, sa halip ay nananatili akong single. Nagka-boyfriend naman ako noon, pero hindi rin nagtagal at ngayon, may asawa at pamilya na siya.
Kapag nagkikita-kita kami ng aking mga kaibigan, para bang tinutubuan ako ng inggit sa kanila dahil may mga asawa at pamilya na rin sila, habang ako na lang ang natirang dalaga.
Sa palagay ninyo, Maestro, sa edad kong ito na puro-trabaho at bahay lang, makapag-aasawa pa ba ako at saan ko mami-meet ang lalaking makakasama ko habambuhay? Kung makapag-aasawa pa ako, kailan ito magaganap at maaari ko bang makilala ang lalaking ito?
KASAGUTAN
Walang alinlangang makapag-aasawa ka pa sa edad mong 37, sapagkat kahit medyo napadulo ang pagtubo o pagsibol ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), nanatili pa rin itong tuwid at malinaw sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit umusad pa ng bahagya ang iyong edad sa late 30s o early 40s, hindi ka pa rin dapat mag-alala at kabahan, na madali namang pinatunayan ng chinita o medyo may pagkabatang tingnan na hugis ng iyong mukha at pangangatawan sa totoo mong edad.
Kumbaga, kahit 37-anyos ka na ngayon, parang early 20s lang naman ang awra ng iyong pagmumukha. Ibig sabihin, sa edad mo sa kasalukuyan, hindi mo lang nabanggit sa iyong liham, paniguradong may mangilan-ngilan ka pa ring manliligaw at isa sa kanila ang posibleng sumeryoso sa iyo sa susunod na mga buwan o araw. Pagkatapos, unti-unti mong maiisip na kahit medyo may pagka-pihikan ka sa pagpili ng mapapangasawa, masasabi mo rin sa iyong sarili, “Puwede na siguro ang lalaking ito dahil ang mas mahalaga ay magkaroon ng asawa, gayundin ang simple at masayang pamilya.”
Sa bandang huli, ganu’n ang mangyayari, sapagkat ang maganda at maayos mong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) ay may pangako ng isang maligaya at kampanteng damdamin sa panahon ng pakikipagrelasyon at sa panahong tuluyan ka na ring nakapag-asawa.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Edith, sa buwan ng Oktubre o Nobyembre, bago sumapit ang edad mong 38 pataas, isang dati nang manliligaw ang magseseryoso sa iyo. At dahil kailangan na ng iyong edad na magkaroon ng seryosong commitment, wala kang magagawa kundi sagutin na siya, upang minsan pa, sa simula ay magkaibigan muna kayo, ngunit sa bandang huli ay unti-unti na ring mahuhulog ang loob mo sa kanya hanggang mauwi sa tunay at panghabambuhay na pag-ibig ang inyong relasyon.
Hanggang sa tuluyang mapagkasunduan ninyo ang magpakasal, na tinataya namang magaganap sa susunod na taong 2022 sa buwan ng Oktubre o Disyembre, sa edad mong 39 pataas. At kahit halos 40-anyos ka na, tunay ngang makakaranas ka pa rin ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments