36 hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf, sumuko na
- BULGAR
- Dec 5, 2020
- 1 min read
ni Thea Janica Teh | December 5, 2020

Sumuko na ang 36 hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf group sa mga militar sa Sulu nitong Biyernes, ayon sa Joint Task Force-Sulu ng Philippine Army.
Ang 36 indibidwal ay hinihinalang miyembro ni ASG subleader Alhabsy Misaya na napatay sa sagupaan sa mga Marines noong 2017. Kilala rin si Misaya bilang kidnapper at wanted sa Malaysia.
Nakuha rin sa mga sumuko ang pitong M1 Garand rifles at 1 M653 rifle na agad na dinala kina Naval Forces Western Command Commander Comodore Toribio Adaci, Jr., JTF Sulu Chief Major General William Gonzales, Omar Mayor Abdulbaki Ajibon at Philippine Army Battalion Commander MBLT8 Lieutenant Colonel Allan Angelo Tolentino sa Omar Sulu.
Ayon kay Ajibon, pawang mga biktima umano ang 36 na indibidwal.
Aniya, "Totoo po iyong sabi ng ating Navy Officers dito. Ito hong 36 na tao na ito ay mga biktima lang din. Noong panahon ay naipit lang sila ng pagkakataon at napilitang kumapit sa patalim.”
Kinilala naman ni Gonzales ang pagsisikap ng mga militar kasama ang lokal na pamahalaan upang sumuko ang mga ito.
"Napakaganda ho ng tulungan ng ating kasundaluhan at LGU. Katulad ho ng ginawa natin ngayon, nagkaroon na rin ng peace covenant sa Indanan at Patikul kung saan itinatakwil ang mga miyembro at sumusuporta sa Abu Sayyaf," dagdag ni Gonzales.
Comments