top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

35 mins. ns biyahe mula QC patungong Bulacan, asahan next year

Writer: BULGAR
BULGAR
May 30, 2024
3 min read

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 30, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Inaasahang mababawasan ang oras ng paglalakbay mula sa dating tatlong oras na magiging 35 minuto na lamang mula Quezon City hanggang San Jose Del Monte.


Ito ang nakumpirma sa Department of Tourism (DOTr), matapos matiyak na nasa 70 porsyento nang kumpleto ang konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7 at magiging operational na ito sa pagtatapos ng 2025.


Sinabi mismo ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa isinagawang inspeksyon sa MRT-7 depot at Station 6 sa Batasan, Quezon City.


Napakabilis umano ng konstruksyon at halos kumpleto na ang Quezon City leg ng MRT-7 na inaasahang tatakbo na sa huling bahagi ng susunod na taon.

Dahil dito ay pinapurihan ng kalihim ng DOTr ang mabilis na konstruksyon ng San Miguel Infrastructure.


May kabuuang 14 istasyon ang 22-kilometer rail system na mag-uugnay sa North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose del Monte sa Bulacan.


Inaasahang kakayanin nitong magsakay ng humigit-kumulang 300,000 pasahero kada araw sa unang isang taon ng operasyon, at maraming mga manggagawa at estudyante ang makikinabang sa mabilis na biyahe ng MRT-7.


Kaya konting tiis na lamang at makukumpleto na ang proyektong ito, pihadong mababawasan ang oras ng paglalakbay mula sa dating tatlong oras ay magiging 35 minuto na lamang mula Quezon City hanggang San Jose Del Monte.


Legasiya ng kasalukuyang administrasyon kung magiging matagumpay ang operasyon ng MRT-7 at abot-kamay na natin ang lahat dahil ilang porsyento na lang ang hindi pa natatapos.


Pangarap ito ng maraming Pilipino at maaari na tayong ihalintulad sa bansang Hong Kong na kahit saan magtungo ay maaari nang marating gamit lamang ang tren.

Hindi pa natin batid sa kasalukuyan kung ano ang magiging epekto nito sa transport group na mababawasan ng pasahero dahil tiyak na maglilipatan sa tren.


Walang kalaban-laban ang mga bumibiyahe nating kababayan mula San Jose Del Monte gamit ang pampasaherong sasakyan dahil bukod sa kumportable ang MRT ay mabilis pa.


Tiyak na kabi-kabilang protesta na naman ang kakaharapin ng pamahalaan sakaling buksan na ang MRT -7 dahil sa hindi talaga makakasabay ang kahit anong transport group kumpara sa ganda at bilis nito.


Sabagay ganyan talaga, kasama sa pag-unlad na may maaaring maapektuhan na talagang malaking epekto ang MRT-7 sa hanapbuhay ng ilan nating tsuper.

Ngunit hindi naman tayo naniniwala na hindi ito pinag-aaralan ng pamahalaan kaya posibleng maayos na rin ang kalagayan ng mga maaapektuhang driver bago umarangkada ang MRT-7.


Huwag muna tayong mag-isip ng kung anu-ano dahil lahat naman ay maisasaayos, ang mahalaga ay ang kapakanan ng nakararami nating kababayan.


Nangyari na rin ang sitwasyong ito noong unang binuksan ang LRT mula Monumento hanggang Baclaran. Hindi ba’t nagkaproblema rin ang mga bumibiyaheng mini-bus mula Monumento patungong Baclaran dahil nawalan umano ng hanapbuhay ngunit naging maayos din ang lahat hanggang sa kasalukuyan.


Hindi na kailangang magbiyahe ng tatlong oras papuntang San Jose Del Monte dahil sa loob lamang ng ilang minuto ay makararating na ng walang kahirap-hirap kumpara ngayon na napakahaba ng biyahe.


Sana lang ay makita ang bantahe nito ng masasagasaang transport group at huwag ring sarili lang nila ang kanilang isipin dahil marami tayong mga kababayan ang matutulungan sa proyektong ito.


Sa DOTr, tuluy-tuloy lang sa proyektong ito dahil nasa likod ninyo ang taumbayan na sabik na sabik nang sumakay sa MRT-7.


Puwede naman siguro na ngayon pa lamang ay maghanap na ng ibang ruta ang mga driver na sa kahabaang daraanan ng tren bumagtas para hindi na sila mabigla sa pagbubukas nito.


At hindi ‘yung kung kailan magsisimula na ang operasyon ng MRT-7 ay saka pa sila maglalabas ng reklamo.

Magpakisamahan na lang tayo sa proyektong ito para sa ikagaganda at ikabubuti ng sitwasyon ng mga komyuter at ng buong bansa.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page