32-anyos na feeling hopeless makapag-asawa, may chance pang makilala si "the one"
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| March 16, 2021
Dear Maestro,
Hindi ako masyadong maganda, medyo maliit at may pagka-chubby ako, kaya sa edad kong 32 ay walang nagkamaling manligaw sa akin, kaya wala pa rin akong nagiging boyfriend. Noong high school at college ako, kadalasan ay alalay lang ako ng mga kaibigan kong magaganda habang marami sa silang manliligaw.
Palagi tuloy chaperone ang papel ko sa mundo ng mga kaibigan ko. Kaya naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang malaman kung may pag-asa pa ba akong magka-boyfriend at makapag-asawa, at sa halip na ako ang palaging umaabay, puwede bang ako naman ang abayan? September 28, 1988 ang birthday ko.
Umaasa,
Lyn ng Silangan, San Mateo, Rizal
Dear Lyn,
Kung pag-ibig at pakikipagrelasyon ang pag-uusapan, sabi nga nila, “Daig ng malandi ang maganda,” pero hindi ko naman sinasabing “maglandi ka” at 'wag nang magpaganda. Sa halip, dapat ay magpakaganda at magpa-charming ka pa rin upang mas madali mong ma-attract ang kalalakihan.
Dahil ikaw ay nasa ilalim ng zodiac sign na Libra, ang pinakamabuti mong magagawa mula ngayon, lalo na’t mainit at painit pa nang painit ang panahon, palagi kang maligo araw-araw o palagi kang amoy mabango at parang laging bagong paligo.
Sa ganyang paraan, mabubuhay ang signos mong Libra na may ruling planet na Venus na madaling aakit ng mga manliligaw na lalaki.
Dagdag pa rito, ang zodiac sign mong Libra, sa birth date na 28 o 1 (2+8=10/ 1+0=1) ang nagsasabing kailangang makipagkaibigan ka sa mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini, Aquarius, Aries at kapwa mo Libra. Puwede rin sa isang Virgo na may birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 4, 13, 22, 31, 6, 15, 24, 9, 18, 27, 3, 12, 21 at 30, kung saan darating ang takdang panahon ng kapalaran na huhugot sa nasabing mga zodiac sign at birth date na isang matinong lalaking makakaisang dibdib mo at makakasama habambuhay.
Samantala, dahil 28 o 1 (ang 28 ay 2+8=10/ 1+0=1) ang birth date mo, tunay ngang hindi totoong wala kang appeal sa mga lalaki. Ito ay dahil bihira naman sa mga taong may birth date na 1, 10, 19 at 28 ang hindi nakapag-aasawa.
Kumbaga, likas sa kanila ang may “magnetic personality” na tinataglay, lalo pa nga’t nagkataong Libra ang iyong zodiac sign na nagtataglay na may ruling planet na Venus.
Ibig sabihin, basta medyo magpa-flirt, magpaganda at palaging magsuot ng kulay na pula at dilaw, makikita mo na biglang may manliligaw sa iyo hanggang sa tuluyan kang magka-boyfriend at makapag-asawa sa takdang panahong inilaan ng kapalaran.
Habang, ayon sa iyong Love Calendar, kapag sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong binanggit na sa itaas, tiyak ang magaganap sa taon ding kasalukuyan– isang lalaking balingkinitan ang pangangatawan, semi-kalbo ang istayl ng buhok at medyo kayumanggi ang kulay ng balat ang darating. Sa nasabing panahon, habang lumalakad ang edad mo sa 33 at 34 pataas, magkaka-boyfriend ka na, magkakaroon ng romantiko at masayang relasyon hanggang sa tuluyan nang makapag-aasawa at magkaroon ng simple at panghabambuhay na pamilya.




Comments