32-Anyos, ‘di dapat maging choosy kung bet pang mag-asawa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 06, 2021

KATANUNGAN
Umabot ako ng edad 32 nang hindi pa rin nagkaka-boyfriend, kaya ako tuloy ang madalas na tuksuhin sa aming barkada. May nagsasabi na baka tomboy ako, pero maganda at sexy naman daw ako, kaya hindi ko na lang pinapansin ang mga pang-aasar nila.
Pagdating naman sa bahay, ganundin ang nangyayari. Palagi akong tinatanong ng tatay ko kung kailan ako mag-aasawa dahil may asawa na ang mga kapatid ko at ako na lang ang wala. Gusto na nila akong pag-asawahin dahil mahirap daw ang walang anak at tumandang dalaga.
Kaya naisipan kong ipabasa sa inyo ang aking palad kung magkaka-boyfriend pa ba ako o hindi na? Sa ngayon, may mga manliligaw din naman ako, pero nagtataka ako dahil wala akong nagugustuhan sa kanila. Kung sakali namang magkaka-boyfriend ako at makapag-aasawa, kailan ito magaganap?
KASAGUTAN
Nagsimula kasi sa pagitan ng hintuturo (arrow a.) at hinlalato o daliring pang-gitna (arrow a.) ang malinaw at okey namang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kaya hindi ka nagka-boyfriend sa edad mong 32, palaging nagtatalo sa iyong pagpapasya kapag mamimili ka na ng lalaking sasagutin ang tinatawag na “ideal love versus practical love.”
Kumbaga, palagi mong tinatanong sa iyong sarili, “Okey na ba ang lalaking ito para maging boyfriend o mapangasawa at magiging perfect partner ba siya?” ‘Yun ang tanong ng mga babae na ideal love ang hanap habang sa kabila nito, dahil wala kang boyfriend at nalulungkot ka, minsan naman ay pumapasok din sa iyong isipan ang tanong na, “Mag-boyfriend na lang kaya agad ako ng kahit sino para makaranas ng lehitimong relasyon tulad ng ibang babae?”Ang tanong naman na ‘yan ang tinawag nating “practical love” kung saan dahil sa pangangailangan, dahil hindi ka na bumabata, dapat lang na magka-boyfriend ka na agad.
Subalit, dahil hindi mo malaman kung ano ang pananaigin kung ideal love o practical love, umusad nang umusad ang panahon at hindi ka nagka-boyfriend kahit kailan, hanggang sa tumuntong ka ng edad 32 pataas nang hindi mo namamalayan na wala ka pa ring boyfriend.
Buti na lang, sa kabila ng kalituhan mo kung paano pipili ng magiging boyfriend, may umusbong at sumulpot pa ring malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit may kalituhan ang iyong inner self kung paano nga ba ang tamang pagpili ng magiging boyfriend at taong makakasama habambuhay, nanaig pa rin ang takdang kapalaran – makapag-aasawa ka at magkakaroon ng simple at maligayang pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Noong kasagsagan ng aking pagbibinata, feeling ko ay guwapong-guwapo talaga ako at ang gusto kong maging girlfriend at mapangasawa ay sobrang ganda at mala-prinsesang babae, pero nang lumaki ako, hindi pala ganu’n ang buhay. Sa halip, sa nobela sa mga libro at telebisyon lang pala napapanood ang mga romantic love affairs. ‘Yun bang pag-iibigan ng isang napakaguwapong lalaki at napakagandang babae, na nauuwi sa isang masayang kasalan at panghabambuhay na pagsasama.
Pero tulad ng nasabi na, sa totoong buhay, bihirang nagkakatuluyan ang napakaguwapong lalaki at napakagandang babae. Sa halip, ang aktuwal na nangyayari ay nag-iibigan at nagiging mag-asawa rin ang babaeng hindi masyadong maganda at lalaking medyo wala namang hitsura. ‘Yun pala ang totoong buhay, hindi palaging guwapo at magandang babae ang bida. Maraming bida na pangit ang lalaki at babae na nagkakatuluyan at nagiging maligaya naman ang buhay na nagaganap sa totoong buhay.
Kaya, Ma. Cristina, tigilan mo na ang paghahanap ng ideal man bago ka tuluyang tumandang dalaga. Sa halip, kung may manliligaw kang isinilang sa zodiac sign na Aquarius, Gemini o kapwa mo Libra, na may birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25, pagtiyagaan at sagutin mo na siya kahit hindi masyadong magandang lalaki o hindi “ideal man”. Sapagkat sa ganu’ng paraan, ikaw ay makapag-aasawa, hindi tatandang dalaga at magkakaroon ng masaya at panghabambuhay na pamilya, na nakatakdang mangyari at maganap sa susunod na taong 2022, sa edad mong 33 pataas.




Comments