300 empleyado ng BuCor, magiging tambay
- BULGAR
- Feb 24, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 24, 2023
Nanganganib na mawalan ng trabaho ang daan-daang empleyado ng Bureau of Corrections (BuCor) sa susunod na buwan.
Dahil ito sa kabiguan ng mahigit 300 manggagawa ng kagawaran na makapagtapos ng college degree at makapasa sa Civil Service Examination na kinakailangan sa trabaho.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10575 o BuCor Act of 2013, na naging epektibo noong Marso 15, 2018, ang mga aplikante ay dapat na may bachelor’s degree at mayroong nararapat na Civil Service Eligibility.
Ayon sa legal counsel ng BuCor employees na si Atty. Jose Aspiras, ang mga kasalukuyang empleyado at mga na-upgrade sa Level 1 hanggang Level 2 position na hindi nakatugon sa requirements ay binibigyan ng limang taon o hanggang Marso 15, 2023, para makasunod sa batas.
Binanggit naman ni Aspiras na hiniling na rin ng mga apektadong empleyado, na ang iba sa kanila ay 30 hanggang 40 taon nang nagseserbisyo sa BuCor, na bigyan sila ng 2-year extension, kung saan nasakop nito ang mga panahon na nawala na resulta ng COVID-19 pandemic, para maka-comply sa naturang batas.
Umaasa rin ang mga manggagawa na makukuha nila ang suporta ng kagawaran at ng Department of Justice (DOJ).
Sinabi naman ni Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, titingnan at pag-aaralan niya ang sitwasyon ng mga empleyado ng kagawaran.
Sa ngayon, hinihintay ng mga ito ang tugon sa kanilang apelang ekstensyon.
Panibagong pasanin ito sa mga manggagawa na maaaring mawawalan ng trabaho, iba pa sa kanila ay tumanda na sa serbisyo.
Kung kailan nakakabawi na at kumakayod na muli para sa kanilang pamilya, heto’t posibleng anumang oras ay mawalan na sila ng pagkakakitaan.
Aminado naman na may kapabayaan din sa parte ng mga empleyado sa mga panahon na dapat ay inaasikaso nila ang mga kaukulang requirements para sa kanilang trabaho pero hindi nila ginawa.
Marahil, ito rin ang dahilan kaya umapela silang bigyan ng palugit.
Sana lang tulungan at suportahan sila ng kinauukulan sa kanilang hinaing para tuloy pa rin silang makapagtrabaho.
Sakali naman na nais ng iba sa kanila na magretiro na, bigyan na lamang sila ng pabaon o retirement pay upang makapagnegosyo at mayroon pa rin silang mapagkakakitaan.
Mas mabuting maraming mamamayan ang may trabaho kaysa dumami ang mga walang trabaho at maging tambay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments