top of page
BIDA - JANELLA KAY KLEA I LOVE YOU SO MUCH, MY BABY, MY LOVE, MY SWEET BABY BOO!-IG _kleap

30 patay, 27 sugatan... P11M multa sa may-ari, kontraktor ng gumuhong hotel

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Jeff Tumbado @News | June 18, 2026



Gumuhong hotel sa Angeles, Pampanga - BFP

Photo: File / BFP



Inatasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang may-ari at kontraktor ng gumuhong gusali sa Angeles City, Pampanga na magbayad ng mahigit P11 milyon dahil sa paglabag sa labor laws at pamantayan sa kaligtasan ng mga manggagawa.


Batay sa imbestigasyon ng DOLE, mananagot sina Jackson Lim at kumpanyang Golden Years Construction and Steelworks Corporation ng humigit-kumulang P1.1 milyon dahil sa labor standards violations at P10.3 milyon bilang administrative fine dahil sa sinadyang paglabag sa occupational safety and health standards.


Nabatid na ipinagpatuloy pa rin umano ang konstruksyon kahit mayroon nang inilabas na work stoppage order ang DOLE, dahilan upang malagay sa panganib ang buhay ng mga manggagawa.


Nadiskubre rin ng ahensya ang iba pang paglabag tulad ng hindi pagbabayad ng tamang sahod at benepisyo, kakulangan ng bayad sa trabaho tuwing araw ng pahinga, Sabado at pista opisyal, at hindi tamang pasahod sa mga manggagawa.


Lumabas din sa imbestigasyon na kulang ang mga safety measures sa proyekto, kabilang ang hindi pagbibigay ng personal protective equipment o PPE, kawalan ng kaukulang permit sa paggamit ng mga kagamitan sa pagbubuhat, at kakulangan ng mga safety officer at first aider.


Inakusahan din ang kumpanya ng pagsusumite ng pekeng sertipiko para sa kanilang itinalagang first aider at safety officer.


Ayon sa DOLE, isusumite nila ang kumpletong rekord ng kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa pamahalaang lungsod ng Angeles para sa posibleng pagsasampa ng kasong kriminal.


Sinabi ni Acting Labor Secretary Francis Tolentino na magpapatuloy din ang administratibong imbestigasyon laban sa ilang opisyal at labor inspectors ng DOLE Regional Office III dahil sa mga nakitang kakulangan sa pagpapatupad ng mga batas sa paggawa.


Matatandaang gumuho noong Mayo 24 ang siyam na palapag na condominium project na bumagsak sa isang katabing hotel na ikinasawi ng 30 katao habang 27 naman ang nasugatan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page