top of page

3 years kulong at P5-M multa sa paglabag sa Data Privacy Act tulad sa gumagamit ng Zoom

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 8, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 8, 2020



Dear Chief Acosta,

Bago pa lang ako sa aking trabaho pero dahil sa pandemya ay madalas kaming gumagamit ng Zoom para sa work-from-home. Nag-aalala lang ako na baka maapektuhan ang aking privacy. Paano ako mabibigyang proteksiyon at ano ang parusa sakaling malabag ang aking mga karapatan? – Jeff

Dear Jeff,

Para sa inyong kaalaman, ikaw ay may kaukulang proteksiyon mula sa Republic Act (R.A.) No. 10173, o ang Data Privacy Act. Ayon sa Seksiyon 2 nito:

“SEC. 2. Declaration of Policy. – It is the policy of the State to protect the fundamental human right of privacy, of communication while ensuring free flow of information to promote innovation and growth. The State recognizes the vital role of information and communications technology in nation-building and its inherent obligation to ensure that personal information in information and communications systems in the government and in the private sector are secured and protected.”

Nakasaad dito na pinangangalagaan ng pamahalaan ang karapatan ng bawat mamamayan na maging pribado sa kanyang pamumuhay at komunikasyon habang sinisiguro na patuloy ang paglaganap ng impormasyon na mahalaga rin sa pag-unlad ng bayan. Bunsod nito ay itinatag ang National Privacy Commission (NPC) na nagpapatupad sa mga nakapaloob sa batas.

Gayundin, ilan sa mga karapatan ng data subject na nakasaad sa Seksiyon 16 ng nasabing batas ay ang ipaalam sa kanya ang pagproseso ng impormasyon tungkol sa kanya at kung para saan ito, hilingin na magkaroon ng access sa impormasyong ito at kung sino ang humihingi ng nasabing impormasyon, i-demand ang pagtama o pagbura sa anumang impormasyong luma na, kulang, mali o nakuha sa hindi legal na pamamaraan, at mabigyan ng danyos para sa pinsalang maaaring naidulot ng mga naturang impormasyon.

Gayunman, ang bawat karapatan ay may kalakip na limitasyon. Ayon sa Seksiyon 4 ng Data Privacy Act, saklaw ng nasabing batas ang bawat uri ng pagproseso sa personal na impormasyon, maliban na lamang, halimbawa, kung ito ay may kinalaman sa opisyal o kawani ng gobyerno at sa mga detalye at tungkuling kaakibat ng kanyang posisyon, o impormasyong kailangan upang maipatupad ang Anti-Money Laundering Act at iba pang batas o impormasyon tungkol sa mamamayan ng ibang bansa na ipinoproseso sa Pilipinas. Maaari ring magproseso ng personal at sensitive personal information tulad ng edad, lahi o marital status kung, halimbawa, ang naturang pagproseso ay pinahintulutan ng may-ari ng impormasyon o kung ito ay kinakailangan para sa buhay at kalusugan niya sa mga panahong wala siyang kakayahang magbigay ng pahintulot, o sa anumang lehitimo at legal na dahilan, kabilang ang pagtupad sa obligasyong nakapaloob sa kontrata.

Ang mga paglabag sa Data Privacy Act, depende sa uri o bigat ay may parusang mula anim (6) na buwan hanggang tatlong (3) taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P500,000 hanggang hindi hihigit sa P5,000,000.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

2 comentarios


Jerly Marmol
Jerly Marmol
22 abr

Kasama po ba sa paglabag sa data privacy ang pagbibigay ng pangalan at lugar sa taong hindi muh kakilala dahilan upang ikay mapahamak

Me gusta

Sjucc San Joseph
Sjucc San Joseph
22 ene

Katanongan po, Atty ang mga lending or loan tulad nang pag loloan nan bahay or sasakyan ay laging hinihingi ang mga information tulad nang Client name, email address, contact number, and address, at minsan tinatawagan para mag verify or tinatawagan dahil hindi nag mababayad ang taong nagutang, dahil ang pangalan mu at contact bilalagay at nagamit bilang garantor,na wala kanamang ka alam alam, ano po ang pananagutan nang taong nag lagay nang iyong pangalan bilang garantor or bilang customers

Me gusta

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page