3 pusher, timbog sa drug den
- BULGAR

- Oct 8, 2024
- 2 min read
by News @Balitang Probinsiya | Oct. 8, 2024
Albay — Tatlong drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa isang drug den sa Brgy. Tinago, Ligao City sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga suspek na sina Warren Butial, Marlon Moises at Kevin Golod, pawang nasa hustong gulang at mga nakatira sa naturang barangay.
Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na ginagawang drug den ang isang bahay sa naturang barangay kaya agad itong sinalakay at dito nadakip ang mga drug pusher.
Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng mga pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
VENDOR, NILIKIDA NG ARMADO
ILOILO -- Isang vendor ang namatay nang barilin ng isang hindi kilalang armadong salarin kamakalawa sa Brgy. Balabag, Pavia sa lalawigang ito.
Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilala lang sa pangalang “Dodoy,” nasa hustong gulang, at residente sa naturang lalawigan.
Ayon sa ulat, habang naglalakad si “Dodoy” ay biglang sumulpot ang suspek at agad pinagbabaril ang biktima.
Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril, at dinala naman ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek.
RIDER, PATAY SA AMBUSH
NORTH COTABATO -- Isang rider ang namatay sa pananambang at pamamaril ng mga hindi kilalang armadong salarin kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Pikit sa lalawigang ito.
Ang nasawi ay kinilala ng pulisya na si Jomar Panday, nasa hustong gulang at nakatira sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, habang lulan ng isang motorsiklo si Panday ay biglang sumulpot ang mga suspek at agad pinagbabaril ang biktima.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek.
Inaalam na ng mga otoridad ang motibo ng mga suspek sa pananambang sa biktima.
OPISYAL NG NPA, NASAKOTE
DAVAO DEL NORTE -- Isang opisyal ng New People’s Army (NPA) ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Mankilan, Tagum City sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang suspek na opisyal ng NPA sa nasabing lalawigan habang iniimbestigahan ito ng mga otoridad.
Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong mga kasong murder, frustrated murder, kidnapping, illegal detention at robbery.
Sinabi ng mga otoridad na matagal na nilang pinaghahanap ang suspek at kamakalawa lang sila nagkaroon ng pagkakataon na dakpin ito sa kanyang hideout.
Hindi naman nanlaban ang suspek nang dakpin siya ng mga otoridad sa naturang lugar.








Comments