3 pang veteran coach, aagapay sa Gilas para sa FIBA Asia Cup
- BULGAR

- Jan 11, 2021
- 2 min read
ni VA - @Sports | January 11, 2021

Tatlong mga beteranong coaches ang kinuha ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para makatulong ni Gilas head coach Jong Uichico at program director Tab Baldwin sa darating na third window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers.
Ang tinutukoy na tatlong mga coaches ay sina Meralco head coach Norman Black, Rain or Shine head coach Caloy Garcia at Gilas Youth head coach Sandy Arespacochaga.
Napili sila ng SBP upang maging assistant coaches para sa national team na isasabak sa huling bahagi ng Qualifiers.“We are really trying to cast the net wide and bring more coaches to be exposed to the national team environment and gain more international experience. We are two-plus years out from 2023. It’s about bringing a lot of people in as we get closer to 2023," wika ni Baldwin.
Si Black ay nagbabalik sa Gilas pagkaraan ng tatlong taon.Nauna na siyang nagsilbi bilang assistant coach ng koponan noong 2011 hanggang 2018 sa ilalim ni coach Chot Reyes.
Naging headcoach din si Black ng Sinag Pilipinas na nanalo ng gold medal noong 2011 Southeast Asian Games.
Deputy coach naman si Garcia ng Gilas sa ilalim ni coach Yeng Guiao na naging mentor ng national team mula sa 4th hanggang final window ng 2019 FIBA World Cup Qualifiers, 2018 Asian Games, at sa mismong 2019 World Cup.
Maliban sa pagiging head coach ng national youth squad, assistant din si Arespacochaga ni Baldwin sa Ateneo. Isa rin siya sa assistant coaches sa unang window ng Asia Cup Qualifiers noong Pebrero kasama nina Alex Compton at Topex Robinson sa ilalim ni interim head coach Mark Dickel. Ang 3rd window ng qualifiers ay nakatakdang ganapin sa susunod na buwan sa Clark, Pampanga.





Comments