3 milyong bata, nanganganib na magkatigdas
ni Ryan Sison - @Boses | October 29, 2022
Tatlong milyong bata ang nanganganib na kapitan ng tigdas.
Ito ang babala ng Department of Health (DOH) matapos makapagtala nang 467 kaso ng tigdas sa bansa ngayong taon, bagay na mas mataas nang 203% sa naitala noong nakaraang taon na may 154 kaso.
Kaugnay nito, nanawagan ang isang eksperto sa mga magulang na pabakuhan na ang kanilang mga anak laban sa tigdas. Mahalaga umano ang pagbabakuna sa tamang schedule na inirerekomenda ng DOH.
Binigyang-diin ni Dr. Alethea de Guzman, director ng DOH epidemiology bureau na maraming bata na edad 5 pababa ang hindi na nakapagpabakuna mula noong 2018.
Bukod sa vaccine hesitancy, naging dahilan din ang mga lockdown na dulot ng COVID-19 pandemic sa pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna.
Ang tigdas ay maaaring magdulot ng mga komplikasyon tulad ng pneumonia, pamamaga ng utak o encephalitis, iba pang komplikasyon tulad ng malnutrisyon at kamatayan.
Kabilang sa mga sintomas ng tigdas ay lagnat, conjunctivitis o pamumula ng mga mata, ubo, sipon at mapupulang pantal o rashes.
Samantala, hiling din ng DOH na magkaroon ng suplay ng bakuna laban sa tigdas.
Sa totoo lang, masyado tayong nakapokus sa pagtugon sa pandemya, kaya nakalimutan na ang iba pang mga sakit, tulad ng tigdas.
Nakababahala rin ang bilang ng mga tinamaan ng sakit ngayong taon, kaya dapat lamang na mabakunahan na ang mga batang target maturukan.
Tulad ng nabanggit, maaaring mauwi sa kamatayan ang tigdas, kaya pakiusap sa mga magulang, ‘wag nating ismolin ang banta ng sakit. Maniwala tayo datos at babala ng mga eksperto dahil sila ang nakakaalam ng mga dapat at hindi dapat gawin.
Kasabay ng pakikiusap sa mga magulang, panawagan natin sa mga kinauukulan na tiyaking magkakaroon ng sapat na suplay ng bakuna kontra tigdas.
Malinaw ang mga babala, kaya hiling natin ang kooperasyon ng lahat para sa proteksyon ng mga bata.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments