2x Olympian bronze/silver boxer Petecio, magreretiro na?
- BULGAR

- Aug 21
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports News | August 21, 2025

Photo: Nesthy Petecio
Tila nakabinbin muna ang pangarap na “Walang hinto, hangga’t walang ginto” na mantra ni two-time Olympian boxer Nesthy Petecio matapos muling pagmuni-munihan ang mga susunod na hakbang at plano sa kanyang matagumpay na karera sa pampalakasan.
Matapos maging kauna-unahang Pinoy boxer na nagbulsa ng ikalawang medalya sa Summer Olympic Games sa tansong medalya sa 2024 Paris Games, at ang makasaysayang silver medal finish noong 2020+1 Tokyo Olympics, bilang unang boksingera na nagwagi ng medalya, humiling ang Davaoena na magkaroon pansamantala ng panahon upang muling makapag-isip sa landas na tatahakin dahil 33-anyos na siya.
“She’s still contemplating whether she will continue with boxing,” pahayag ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary-general Marcus Jarwin Manalo sa panayam ng Bulgar Sports. “Actually, she went back to training in Baguio, then nag-ask lang uli ng break.”
Inamin ni Manalo na patuloy na nasa line-up ng national team ang tubong Santa Cruz, Davao del Sur boxer, ngunit nakatakda pang pag-usapan ang sitwasyon na wala pa umanong eksaktong rason na hiniling sa national sports association (NSA).
“She's in the lineup, but we're giving her the space for now and that's what we will discuss soon,” sambit ni Manalo, na tanggap ang anumang magiging desisyon ng 2-time SEA Games at 2019 World Champion. “Wala namang nabanggit na reasons, but she has served the national team na din for more than a decade. May personal plans na din sya, I'm sure. Normal naman for an athlete her age, lalo na she has accomplished a lot already.”
Naghahanda ngayon ang national squad para sa 2025 SEA Games sa Bangkok, Thailand, kung saan nasa training camp sina Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam, Paris Games bronze medalist Aira Villegas, Jay Bryan Baricuatro Junmilardo Ogayre, 2025 Asian Youth bronze medal winner Mark Ashley Fajardo, Ronald Chavez Jr., Ofelia Magno at beteranong si Riza Pasuit.








Comments