2nd win, susungkitin ng Muntinlupa Chiefs sa NBL
- BULGAR
- Dec 8, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 8, 2023

Mga laro ngayong Biyernes – Jesus Is Lord Colleges
5 p.m. Muntinlupa vs. Zambales
7 p.m. Cam Sur vs. Binan
Hahanapin ng Muntinlupa Chiefs ang kanilang ikalawang sunod na panalo kontra sa baguhang Boss ACE Zambales Eruption sa ikalawang araw ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup ngayong Biyernes sa Jesus Is Lord Colleges Foundation sa Bocaue, Bulacan simula 5 p.m. Susundan ito ng tapatan ng Cam Sur Express at Tatak GEL Binan sa 7 n.g.
Galing ang Chiefs sa 102-96 panalo sa Circus Music Festival Makati noong nakaraang linggo sa Santa Rosa City. Asahan na sasandal muna sila sa mahusay na laro ng mga beteranong sina Buboy Barnedo at Best Player Francis Abarcar.
Kahit itinuring na bagong koponan, papasok na hindi mga estranghero ang Eruption dahil may mga manlalaro sila na may karanasan sa liga sa dating kinatawan ng lalawigan. Nagsagawa ng masinsinang try-out ang koponan sa Olongapo City at mga piling bayan noong Agosto upang makahanap ng mga makakasama ng mga beteranong sina Carl Lumbao, Allen Formera, Kevin Pelaez, Lyndon del Rosario, Noah Mendoza Kitbonjour Sungad, Ronald Santos at John Paul Atrero.
Pagbawi ang una sa listahan ng Tatak GEL na tumikim ng 99-104 pagkabigo sa kapitbahay na Eridanus Santa Rosa. May alay na liwanag ang magandang ipinakita ng mga bagong pirmang sina Art Patrick Aquino at Michael Joseph Homo na nagsama para sa 54 puntos at kailangan lang ay tumugma ang laro sa mga nagbabalik nilang kakampi.
Susulitin ng Express ang mahigit 400 kilometrong lakbay at sisikaping mag-uwi ng panalo. Magbabalik sa CamSur ang mga malupit na guwardiyang sina Verman Magpantay, Joshua Ayo at Fredson Hermonio. Samantala, maglulunsad ng bagong liga sa ibang larangan ng palakasan ang pamunuan ng NBL-Pilipinas.








Comments