Search
  • BULGAR

2nd wave ayuda ng PhilHealth para sa COVID-19, pinaghahandaan na

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | July 21, 2020




Hello, Bulgarians! Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasyente ng COVID-19, pinag-aaralan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapalabas ng pangalawang bugso ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) o cash advance upang matulungan ang mga ospital sa paglaban sa pandemya.


Ayon sa ahensiya, susuriin nila ang naging paggamit sa naunang IRM ng bawat ospital at hihingan ng liquidation ng nasabing pondo upang makatanggap ng panibagong ayuda.


Ang second wave ay ipagkakaloob sa mga COVID-19 hospitals lalong-lalo na sa National Capital Region, Regions III, IV at VII kung saan ang kapasidad ng mga ospital ay halos puno na dahil sa pagbabago ng quarantine levels. Gayunman, ang kabuuang admission sa bansa ay nasa 50% lamang na karamihan ay nasa Level 3 hospitals.


Sa pangalawang IRM, sinabi ng PhilHealth na bibigyan nito ang mga ospital ng cash advance na katumbas ng tatlong buwang halaga ng claims batay sa kanilang reimbursements noong 2019.


Sa kasalukuyan, nakapaglabas na ang PhilHealth ng P14.7 bilyon sa naunang IRM sa 681 ospital sa buong bansa kung saan P7.6 bilyon o 52% ay napunta sa mga pribadong institusyon. Mula rito, halos P4.2 bilyon o 29% ay napunta sa mga ospital sa NCR, kasunod ang PRO IV-A (Calabarzon) sa halagang P1.2 bilyon o 8%, at ang PRO III-A (Central Luzon) sa halagang P1.1 bilyon o 7 %.


Nilinaw din ng PhilHealth sa publiko na ito ay may sapat na pondo upang matiyak na ang lahat ng mga pasyente, maging ng COVID-19 o hindi ay mabibigyan ng sapat na pangangalaga na walang pangamba sa pambayad batay sa Universal Health Care Law.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.