28 militante, dedbol sa sagupaan sa Afghanistan-Pakistan border

ni Justine Berganio @Overseas News | September 29, 2026

Photo: File / AP Photo-Shafiullah Kakar
Patay ang 28 hinihinalang militanteng tumawid umano mula Pakistan matapos makasagupa ang Afghan forces sa Kamdesh, Nuristan, malapit sa border nitong Sabado.
Ayon sa Afghanistan Defence Ministry, 32 iba pa ang nasugatan sa operasyon. Iginiit ng Kabul na kabilang sa grupo ang mga miyembro ng Islamic State at dating security personnel ng Afghanistan na umano’y sinanay sa Pakistan.
Itinanggi naman ito ng Pakistan at tinawag na walang basehan ang alegasyon. Ayon sa Islamabad, wala itong kinalaman sa sagupaan, recruitment o training ng mga dating Afghan security personnel, o pagtulong sa Islamic State.
Sinabi ng Afghanistan na umatras ang mga nakaligtas na mandirigma pabalik sa
Pakistan matapos ang operasyon. Kasunod ito ng airstrikes ng Pakistan sa Afghanistan noong Setyembre 21 na sinabi ng Islamabad na pumatay ng 28 militanteng target. Iniulat naman ng UN ang tatlong civilian deaths sa naturang pag-atake.
CHOPPER BUMAGSAK, NASUNOG, 4 TODAS
PATAY ang apat na sakay ng isang pribadong helicopter matapos itong bumagsak at masunog sa Sainte-Brigide-d’Iberville, Quebec, Canada nitong Sabado ng hapon.
Ayon sa Sûreté du Québec, nakatanggap sila ng emergency call alas-2:30 ng hapon tungkol sa helicopter na nasa distress at posibleng bumagsak malapit sa Rang des Écossais Road, off Highway 10.
Pagdating ng rescue team, nagliliyab na ang helicopter at idineklarang patay sa lugar ang lahat ng sakay. Hindi pa agad nakilala ang mga biktima.
Nakontrol ang apoy makalipas ang isang oras, pero nagpatuloy ang operasyon sa crash site hanggang gabi.
Iniimbestigahan ng Major Crime Unit ng Quebec police ang insidente, katuwang ang crime scene technicians at Transportation Safety Board of Canada. Ayon sa pulisya, maaaring ilang araw bago makumpirma ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.





Comments