ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 28, 2024
Marami sa ating mga Pilipino ang hindi kinikilala ang sarili bilang lalaki o babae. Imbes, ilan sa atin ay tinatanaw ang sariling pagkatao bilang isa sa mga kinasasaklawan ng malawakang komunidad na ang inisyalismo o acronym ay LGBTQIA o LGBTQ+.
Kilala natin sila. Napapanood natin sila sa mga programang pantelebisyon araw-araw o sa mga pelikulang ginagawa silang balong ng katatawanan sa pagiging kalog o maboka kung ihahambing sa mga emcee o sa bidang tambalan.
Posibleng katrabaho natin sila, na litaw o tago ang pagkatao, o maingay o tahimik ang pag-uugali habang nagpapamalas ng sipag at tiyaga. Minsan o madalas pa nga, sa kanila tayo nagpapaayos ng hitsura o nagpapatahi ng damit ngunit, sa kasalukuyang panahon, kahit anong hanapbuhay ay maaari nilang gampanan.
Maaari ring kapamilya natin sila — kapatid, tito o tiyahin, pamangkin, supling o kaya’y magulang. Kung wala man sila sa ating mag-anak, marahil sila’y ating kapitbahay o kabarangay. Sa pagtambay pa lang natin sa mga mall ay kitang-kita natin sila na masayang kasama ang isa’t isa, hindi kagaya noong mga nakaraang dekada na ikinukubli ang kanilang mga sarili.
Sa madaling salita, laganap ang mabubuti at masisigasig na mga Pinoy na hindi lang maituturing na bakla o tomboy kundi bisexual, transgender, queer o iba pa. Gaya nga ng bahaghari na marami ang kulay, ang kasarian ay matagal nang hindi limitado sa itim at puti.
Ngunit sa kabila ng libu-libo nating mga kababayang ganito ang katauhan ay patuloy na ipinagkakait sa kanila ang mga karapatang pantao na nararapat nilang matamasa.
Patapos na ang Hunyo, na tinaguriang Pride Month sa iba’t ibang lupalop ng mundo, at lulubugan na naman ng araw ang pagpapasa ng panukalang batas na SOGIE o ang pagbabawal ng diskriminasyon base sa sekswal na pag-aangkop o sexual orientation at sa kinikilala o inihahayag na kasarian o gender identity or expression.
Bagama’t may ilang mga siyudad dito sa atin na nagpapairal ng batas na kontra pangdidiskrimina sa mga LGBTQ+, napapansing hindi sapat ang mga ito upang maproteksyunan ang mga maaaring maging biktima ng pang-aapi o pananakit — sa eskwela, sa trabaho o sa relasyon — dahil sa kanilang kasarian. Sa bandang huli rin naman, paano kung ang inaabuso o naaagrabyado dahil sa kanyang pagkatao ay hindi naninirahan o naninilbihan sa mga lugar na iyon?
Nakalulungkot ang patuloy na kawalang katarungang ito, lalo pa kung iisipin na 24 na taon na ang nakalilipas nang inihain ang kauna-unahang bersyon ng panukalang ito nina Rep. Etta Rosales at Senador Miriam Defensor-Santiago.
Sa kasalukuyan, nakapasa man ang panukalang ito sa Kamara, patuloy ang pagbinbin at pag-antala nito sa Senado, kung saan may matitigas na mga pulitiko na ginagamit ang kapangyarihan at kakitiran ng pag-iisip upang harangin ang pagpapausad sa pagpasa ng SOGIE bill.
Ito ay sa kabila ng mga nakapanlulumo’t nakakagalit na mga insidente o trahedya na hindi sana magaganap o hindi mauuwi sa pagpapawalang-sala ng nang-abuso kung may mga batas na naglalayong maipagtanggol ang naapi.
Ang ating mga kababayang LGBTQ+ ay nagbabayad ng buwis bilang manggagawa o negosyante. Bumoboto sila tuwing eleksyon. Sila rin ay nagsisimba. Sila ay katuwang sa pagpapaunlad ng buhay, pagpapausbong ng lipunan at pagpapaikot ng mundo.
Maganda ang layunin ng SOGIE bill kung ito ay lilimiin nang masinsinan at iintindihin nang dibdiban. Progresibong pananaw at pag-iisip ang ating p
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentários