top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

22-Anyos na play girl, gusto nang mag-asawa pero sa hiwalayan din mapupunta

BULGAR
Jul 13, 2021
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 13, 2021




KATANUNGAN

  1. Labing-anim na taon ako nang mawala ang aking pagkababae dahil sa pagiging mapusok namin ng boyfriend ko na akala kong makakatuluyan ko, pero naghiwalay din kami. Mula noon, nawalan ako ng tiwala sa mga lalaki, pero nakikipagrelasyon pa rin ako, hindi na para umibig kundi para maghiganti.

  2. Maraming beses ko ring naibigay ang aking pagkababae at pagkatapos ay lalayuan ko sila para maghabol sa akin at may iba na umiiyak talaga dahil sobra nila akong minahal. Sa kasalukuyan, dalawa ang boyfriend ko, naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung sino sa kanilang dalawa ang magseseryoso sa akin?

  3. Sa edad kong 22, sawa na ako sa pagkadalaga. Gusto ko nang mag-asawa at magkaroon ng maayos na pamilya, subalit ang pangamba ko ay baka hindi rin ako seryosohin ng dalawang BF ko dahil hindi na ako virgin nang makuha nila ako.

  4. Sa panahon ngayon, may mga lalaki pa bang nagpapahalaga sa virginity ng babae? At sa nakikita n’yo sa aking palad, may maligaya bang pag-aasawa na magaganap kahit marami akong lalaki na pinaluha at pinaglaruan?

KASAGUTAN

  1. Ang totoo, hindi rin naman masasabing pinaglaruan mo ang mga lalaking nakarelasyon mo, pinaasa, pinatikim ng iyong pagkababae at pagkatapos ay binalewala mo rin. Sa halip, ang totoo ay hindi lang ikaw ay naglaro kundi pati na rin sila. Dahil matapos ng inyong relasyon, pare-pareho naman kayong nawalan. Nawala ka sa kanila at nawala rin naman sila sa iyo. At sa kasalukuyan, maaari pa ngang pinalad ang mga lalaking pinaglaruan mo na nakatagpo ng matinong pamilya, habang ikaw ay naghahanap at umaasa na magkakaroon din ng masayang pamilya.

  2. Samantala, kapansin-pansing matapos mawasak at masira nang tuluyan ang Venus Line (Drawing A. at B. V-V) na tinatawag ding Guhit ng Kamunduhan (arrow a.), kasabay nitong nagkabilog at nagkalagot-lagot ang ilang mahalagang bahagi ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Tanda na matapos mawala ng iyong virginity, tulad ng iyong ginawa at hinayaang mangyari, ang puso at damdamin mo naman ang hinayaan mong malunod sa mundo ng ka-immoralan at kawalan ng pagpapahalaga sa iyong pagkababae. Sa bandang huli, tulad ng iyong inaasahan, ang nagulo at nabiyak na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing may lalaki mang magpakasal at umibig sa iyo, sa pagkawasak ng pamilya at paghihiwalay din hahantong ang lahat. At ang magiging bunga ng inyong pagmamahalan ang magdudusa sa broken family.

MGA DAPAT GAWIN

  1. May isang malalim na argumento hinggil sa moralidad at tungkol sa takdang kapalaran. Ito ay ang tanong na, “Namamana ba ng anak ang kapalaran ng mga magulang?” Tulad ng tanong na, “Namamana ba ng mga anak ang parusang dapat nakalaan lamang sa mga magulang?” Kung Bibliya ang tutugon sa kambal na tanong, “Oo”, ang malinaw na sagot.

  2. Hindi lang namamana sa mga magulang ang kapalaran ng mga anak at ang parusang nakalaan. Sa halip, ang buong tala-angkanan ng Israel ang nakamana ng kapalaran ni Abraham hanggang sa ang kapalaran ni David at iba pang lahi ng Israel na mababasa sa Lumang Tipan.

  3. Samantala, sa mga Katoliko naman, ito ang tinatawag nilang “original sin”. Ang kasalanan ni Eba at Adan na kinain ang “bawal na bunga” sa paraiso ng Eden, ayon sa Simbahang Katoliko at mga Krsitiyano ay minana natin at ito ang bunga ng mga ginagawa nating kasalanan na ang parusa ay kamatayan.

  4. Habang, ayon sa iyong mga datos, Aracelie, makapag-aasawa ka at magkakaanak, ngunit dahil sa ginawa mong paglalaro, hindi lamang sa mga lalaki kundi pati na rin ang sa iyong sariling kapalaran, tulad ng nakatakda, mananaig ang nawasak at pumangit na Marriage Line (1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Sa pagkakatong ito, ikaw naman ang bibiruin at paglalaruan ng tadhana— mawawasak ang itatayo mong pamilya. Kusa itong mangyayari kung hindi mo susubukang magpakatino at magpakabuting muli, na dapat lang na simulan mo nang gawin ngayon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page