Search
  • BULGAR

2023 FIFA Women's World Cup idaraos sa NZ at Australia

ni Anthony Servinio - @Sports | June 27, 2020




Ang Australia at New Zealand ang pormal na itinalaga ng FIFA bilang mga punong-abala para sa 2023 FIFA Women’s World Cup Huwebes ng gabi dito sa Pilipinas. Ito ang ika-siyam na edisyon ng torneo at unang pagkakataon na gaganapin ito sa dalawang bansa buhat sa magkahiwalay na confederation.


Tinalo nila ang Colombia na nais dalhin ang World Cup sa Timog Amerika sa unang pagkakataon. Noong Lunes ay umatras ang Japan pabor sa kapwa taga-Asian Football Confederation na Australia at New Zealand ng Oceania Football Confederation.


Malaking bagay ang basbas ni AFC President Sheikh Salman bin Ibrahim Al Khalifa. Nagtulungan din ang mga Punong Ministro Scott Morrison ng Australia at Jacinda Ardern ng New Zealand na makuha ang oo ng FIFA.


Simula 2023 ay lalawak ang mga kalahok sa 32 bansa mula sa 24 lang noong 2019 sa Pransiya. Dahil dito, mas malaki ang posibilidad na makapasok ang Pilipinas sa pinakamalaking torneo ng Foootball para sa kababaihan.


Nabitin ng isang panalo ang Malditas matapos matalo sa Timog Korea, 5-0, sa 2018 AFC Women’s Asian Cup sa Amman, Jordan para sa ika-lima at huling puwestong nakalaan para sa Asya. Tumuloy sa World Cup ang mga Koreana kasama ang Japan, Tsina, Australia at Thailand.


Ayon sa huling FIFA Coca Cola World Ranking ng kababaihan na inilabas noong Marso, nasa ika-67 pwesto ang Malditas sa buong mundo. Sila ay #13 sa Asya at pang-apat sa Timog Silangang Asya sa likod ng Vietnam (#35), Thailand (#39) at Myanmar (#45).


Hahanapin ng Estados Unidos ang kanilang ikatlong sunod na kampeonato matapos magtagumpay noong 2015 sa Canada at 2019. Nagwagi rin ang mga Amerikana sa unang World Cup sa Tsina noong 1991 at sa kanilang sariling bansa noong 1999.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.