2022 Dakar Youth Olympics sa Senegal iniatras sa 2026
- BULGAR

- Jul 17, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | July 17, 2020

Nagkasundo ang International Olympic Committee (IOC) at ang Pamahalaan ng Senegal na ipagpaliban ang 2022 Dakar Youth Olympics sa 2026. Ang pinakaunang Olympiada sa kontinente ng Aprika ay gaganapin sana sa Oktubre 22 hanggang Nobyembre 9, 2022 kalahok ang mga atletang edad 15 hanggang 18 anyos.
Matimbang sa desisyon ang paglipat ng 2020 Tokyo Olympics sa susunod na taon bunga ng kasalukuyang krisis sa kalusugan. Dahil dito, tinanggap ni IOC President Thomas Bach ang panukala ni Pangulong Macky Sall ng Senegal.
Bibigyan na mas sapat na panahon ang mga bansa at mga pandaigdigang samahan ng bawat disiplina upang maghanda matapos ang malaking pagbabago sa kalendaryo.
Magkakaroon din ng pagkakataon ang Senegal na pagbutihan ang kanilang paghahanda sa pamumuno ni Mamadou Diagne Ndiaye.
Tanggap ng IOC at Senegal na maraming kabataang atleta ang malulungkot sa balitang ito subalit nananawagan sila para sa pag-unawa ng lahat. “This amicable agreement illustrates the mutual trust between IOC and Senegal, I am sure that together we will organize fantastic Youth Olympic Games Dakar 2026 for Senegal, the entire African continent and all the young athletes of the world,” wika ni Bach.
Ang kasunduan ay aprubado na ng IOC Executive Board. Ihahain ito sa IOC Session para ratipikahan ngayong Biyernes, Hulyo 17.
Unang tinatag ang Youth Olympics noong 2010 sa Singapore at sinundan ito ng mga edisyon sa Nanjing, Tsina noong 2014 at ang huli sa Buenos Aires, Argentina noong 2018. Sa Argentina ay nagwagi ng pilak ang Pilipinas salamat sa tubong Boracay na si Christian Tio sa Kiteboarding.
Natapos ang 2020 Lausanne Youth Winter Olympics sa Switzerland noong Enero bago ang pandemya. Nagpadala ang Pilipinas ng dalawang kinatawan, sina Ana Noelle Wahleithner sa Alpine Skiing at Julian Macaraeg sa Speed Skating.





Comments