top of page
Search
  • A.Servinio

‘Pinas, kampeon sa FIBA Esports open ng Southeast Asian Region


Nasungki ng Team Pilipinas ang kampeonato ng Timog Silangang Asya sa FIBA Esports Open matapos talunin muli ang Indonesia, 66-34, Sabado ng gabi. Gaya ng kanilang unang dalawang laro noong Biyernes, ipinakita ng mga Pinoy ang kanilang angking kaalaman at talino sa Basketball upang wakasan ng maaga ang seryeng best-of-five. Hindi nakaporma ang Indonesia at tinayo sa tulungan nina Rial Polog Jr. at Custer Galas ang pinakamalaking lamang ng mga Pinoy bago matapos ang first half, 27-9. Mula roon ay inalagaan nila ang lamang at umulan ng mga tres at sinamahan sila ni Philippe Herrero IV upang tuluyang iligpit ang kalaban. “Pinaghandaan namin 'yung aming mechanics at teamwork ng dalawang linggo,” paliwanag ni Herrero. “Sa tingin ko nasa amin si Aljon (Cruzin) ang pinakamagaling na point guard sa Asya kaya susubukan namin mag 5-0 sa serye.” Hindi nagkulang ang koponan matapos ang pahayag ni Herrero at umarangkada agad sa ika-apat na laro, 15-0. Subalit nakabawi at pumalag ang mga Indones at lumapit ng isang puntos sa second quarter, 14-15, ngunit nagising ang Pilipinas at hinigpitan ang depensa, Kahit sigurado na sa kampeonato ay ipinamalas pa rin ng lahat kasama sina Cruzin at Clark Banzon ang kanilang lakas para sa 79-44 na tagumpay. Ito ang pinakamaraming puntos na naitala ng Pilipinas at pinakamalaking lamang sa apat nilang pagkikita. Naglaro pa ng isang beses ang dalawang koponan noong Linggo ng gabi para pormal na wakasan ang serye. Ang mga iskor sa unang dalawang laro noong Biyernes ay 56-29 at 64-30. Sa ibang laro, nanatiling parehong walang talo sa limang laro ang Espana at Italya sa siyam na bansa na nagtutuos para sa kampeonato ng Europa kagabi. Ang may pinakamataas na kartada matapos ang single round robin ang tatanghaling kampeon. Nagwagi rin sa Gitnang Silangan ang Saudi Arabia matapos walisin ang Lebanon, 3-0 at mga hari naman ng Timog Amerika ang Argentina laban sa Brazil, 3-1. Malalaman sa huling araw ng torneo ang kampeon ng Oceania kung saan lamang ang Australia sa kanilang serye laban sa New Zealand, 2-1.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page