PSC, tuloy ang suportang pinansiyal sa mga atleta
- Gerard Arce
- Jun 21, 2020
- 2 min read

Nangako pa rin ng buong suporta ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga Tokyo- bound athletes kabilang na ang mga nag-aasam ng kuwalipikasyon sa 2021 Summer Olympics kahit ang malaking pondo nito ay naisalin ng pamahalaan sa paglaban sa coronavirus diseases (Covid-19) pandemic. Sa bisa ng Republic Act 11469 o mas kilala bilang Bayanihan to Heal as One Act, isinaayos ng Department of Budget and Management (DBM) mula sa Sports Development Fund ang P596 milyon at P773 milyon na nanggaling sa General Appropriations Act (GAA). Apat na miyembro ng pambansang koponan na binubuo nina Ernest John Obiena ng pole vault, Carlos “Caloy” Yulo ng gymnastics, national boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno ang mga nakakuha na ng ticket sa 32nd quadrennial meet, habang ilan pa sa mga naghihintay ng qualifying ay sina 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz, 2019, World Champion Nesthy Petecio, Asian Games gold medalist Margielyn Didal ng skateboarding, 4-time Southeast Asian Games champion Kiyomi Watanabe ng Judo, national boxers Riza Pasuit, James Palicte at Ian Clark Bautista; Taekwondo jins Pauline Lopez, Kurt Barbosa, Dave Cea, Samuel Morrison at 2016 Rio participant Kirstie Alora; Junna Tsukii, Jamie Lim at Joane Orbon ng Karate; Jason Baucas, Noel Norada, Alvin Lobrequito at Jiah Pingot ng Wrestling, golfers Yuka Saso at Clarisse Guce; swimmers James Deiparine, Luke Gebbie, Remedy Rule at Jasmine Alkhaldi; Kristina Knott, Eric Gray, William Morrison, Natalie Uy at Christine Hallasgo ng Athletics; rowing team at 3x3 men’s basketball squad. Tiniyak ng ahensiya ng pampalakasan na susuportahan nila ng buo ang kampanya ng mga miyembro ng pambansang koponan hangga’t maaari, dahil naniniwala ang mga ito na hindi maaaring maisantabi ang pangarap ng bawat atleta na matupad ang inaasam na paglahok sa Olympics. “We will not waiver in our quest to fulfill the country’s Olympic dream and we are very hopeful that more athletes will be able to qualify once the situation gets better,” wika ni PSC chairman William “Butch” Ramirez. Bukod sa pinansyal na aspeto ay patuloy pa ring ibinibigay ng PSC ang online sports psychology consultations, virtual training sessions, nutrition, physiology, at conditioning webinars sa athletes at coaches mula sa PSC’s Medical Scientific Athletic Services (MSAS) at the Philippine Sports Institute (PSI).





Comments