top of page

Si Tatay naman ang ating ibida... Katangian ng mabuting ama

  • Nympha
  • Jun 21, 2020
  • 3 min read

Hindi naman dapat na si Mommy ang palaging natatangi para sa mga anak. Kaya ‘Tay, ‘Pang, Papa at Dadi, suriin ang sarili kung natatangi ka bang ama sa iyong pamilya. 1. AKTIBO SA LAHAT NG BAGAY. Kapag masipag ang ama, asahang ang mga anak ay responsable rin, lalo na kung aktibo sa isang bagay na makabubuti para sa pamilya dahil nakikita ng anak na mainam kang ehemplo. Siya ang ama na bago pa magreklamo si misis ay agad na magpapalit ng diaper ng kanilang baby. Kapag napagsasabihan ni misis ay nakikinig siya. 2. TUMUTULONG SA PARTNER. Hindi siya palaasa na nagagawa lahat ni misis ang mas maraming obligasyon sa pamilya. Kung ano ang nalalaman ni misis sa pagpapalaki ng mga bata, dapat alam na alam din niya. Kung may mga dapat tiyagaing gawin ay sinisikap niyang matapos. Siya ang ama na hindi natatakot magtanong kung paano ang basic caregiving. Mas nakikita ang pagiging responsable niya sa oras na nanganak si misis. ‘Yun na ang kritikal na panahon na natuto na ng pag-aalaga at kumakalinga sa kanyang sanggol. 3. PROUD NA PROUD ‘PAG KASAMA ANG MGA ANAK. Magkaiba kung makipag-ugnayan ang ina at ama sa kanilang anak. Mas tensiyunado at mataas ang energy niya habang ang nanay ay may talent sa multitasking. Huwag mong isipin na balewala sa anak ang paglalaro n’yo ng basketball kumpara sa pagtuturo ni misis sa anak na babae ng pagluluto at gawain sa kusina. Makabuluhan ito dahil nakaukit na ito sa emosyon, isipan, excitement at katuwaan ng anak. Ang mga batang may amang pisikal na aktibo ay mas sumisikat at tagumpay sa pakikipagrelasyon sa iba pang bata. 4. DAPAT MAGING BUKAS LOOB SA MGA ANAK. Importanteng bukod sa pisikal na interaksiyon sa mga anak ay bukas ang loob mo sa kanila. Sa payo ni John Gottman, may-akda ng “The Heart of Parenting,” dapat ay sikapin ng ama na pakiramdaman ang kalooban ng anak bilang malasakit niya rito. Isipin niya kung ano ang dapat niyang gawin para available siya lagi kapag kailangan ng anak. 5. MAGING PARTNER, HINDI HELPER. Tradisyonal nang tagapagtrabaho ang ama at bagama’t siya ang modelong tagasuportang pinansiyal, ngayon ay may malaking papel na siya sa bahay kung saan naiiwanan sa kanya ang mga anak. Buung-buo siyang nagtataguyod, nakikihati ng responsibilidad sa gawaing bahay at aktibong nag-aalaga ng mga anak ay isang dakilang modelo na ito sa panahon ngayon.

6. MAGING LIBRE ANG ORAS, KAHIT TWICE A WEEK. Epektibong ama ka dahil humahalo ka sa desisyong involved sa usapin ang anak. Kapag ipinaubaya lahat sa misis, ibig sabihin ay unti-unti niyang binabasag ang kabuluhan niya sa buhay ng mga anak. Kapag hindi siya sumasama sa araw- araw na gawain, routines at aktibidad ng mga bata, lumalaki ang mga ito na hindi niya makikilala, dahil ‘yun ang panahon na kailangan ng intimacy na sensitibong dapat malaman ng ama sa mga ito. 7. MAY RESPETO KAY MISIS. Habang may malasakit na ama, iginagalang mo ang lahat ng paraan ng palakad ni misis sa pamilya, gayundin ang paggalang sa kanyang mga desisyon kung sakaling wala ka sa kanilang tabi. Habang lumalaki ang mga bata, hayaan silang maging bahagi ng proseso ng pagpaplano. 8. HANDA KANG MAKAUSAP. Kung hindi mo gusto ang sistema, dapat malaman ni misis. Alanganin man siya na ibahagi sa iyo ang pag-aalaga sa mga anak, huwag mong isipin na wala siyang tiwala at huwag magdamdam. Bigyan siya ng sapat na panahon na maipakita mo na seryoso ka at sinsero kang ibahagi ang antas ng pagiging magulang. 9. MAGMALASAKIT PA RIN KUNG NAGHIWALAY. Kahit mas lamang kay misis na mapunta ang kustodiya ng mga bata, maraming paraan upang maipagpatuloy ng ama ang kanyang aktibong relasyon sa mga anak. Pinakamahalaga na makausap sila kahit sa phone lamang, maka-chat o mas mainam ay makausap nang personal. Gawing makahulugan ang tiyempong pagsasama sa mga anak. Iwasan na magsumbatan at gamitin ang bata sa hinanakitan. Dapat na magbigayan at sumuporta ang magulang alang-alang na rin sa kalagayan ng mga bata.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page