Ex-PBA at MBA player Mendiola, pumanaw sa edad na 46
- A. Servinio
- Jun 18, 2020
- 1 min read

SUMAKABILANG-BUHAY na noong Martes ang dating PBA at MBA player Junel Mendiola sa edad na 46. Si Mendiola ay kasama sa pambansang koponan na nag-uwi ng gintong medalya sa 21 st Southeast Asian Games noong 2001 sa Kuala Lumpur, Malaysia. Ang mahusay na ipinakita ni Mendiola sa SEAG ang naging susi para kunin siya ng Purefoods (ngayon ay Magnolia) sa ikatlong round ng 2002 PBA Rookie Draft. Buwenas agad sila at nagkampeon ang Hotdogs sa Governors Cup upang simulan ang taon. Bago ang PBA, naglaro ng tatlong taon bilang propesyonal si Mendiola sa MBA para sa Pangasinan Presidents at Pangasinan Wave (1999), Pampanga Dragons (2000) at Laguna Lakers (2001). Naglaro rin siya sa Welcoat Paints sa Philippine Basketball League hanggang 1998. Ginawaran siya bilang unang Most Valuable Player ng NCRAA noong 1993. Komplikasyon mula sa operasyon upang magtanggal ng bahagi ng kanyang baga ang posibleng dahilan at mahigit isang buwan siya sa ospital. Iniwan niya ang kanyang maybahay, ang artistang si Sheila Rodriguez, at ang kanilang anak na si Nicole Allison.





Comments