N. Aquino Stadium, nakapagpauwi na ng 123 COVID-19 survivors
- MC
- Jun 14, 2020
- 1 min read

Walang naitalang nasawi mula sa Ninoy Aquino Stadium (NAS), nang gawing pansamantalang ospital ng mga COVID-19 patients ang naturang PSC facility bilang isa sa “We Heal as One Centers” na nakapag-pauwi na ng may 123 mga survivors ng naturang virus.
“Malaking pasalamat po natin sa Panginoon dahil wala pong namatay sa ating mga pasyente. Napakagaling po ng ating AFP medical doctors dahil ginawa po nila ang mga nararapat talaga,” ayon kay Philippine Sports Commission’s Security Supervisor Angel Dayag.
Matapos na mai-discharge ang 123 na mga nakarekober na pasyente, agad na nag-disinfect ang mga tauhan ng PSC sa NAS. May ilan pang pasilidad ng sports ang nananatiling nangangalaga sa mga may mild-positive at positive COVID-19 patients.
Sa Rizal Memorial Coliseum (RMC) sa Maynila ay may 67 pang mga pasyente, ayon sa AFP Health Service Command. Habang ang Multi-Purpose Arena (MPA) sa loob ng Philsports Complex sa Pasig City ay may 34 pang pasyente mula noong Hunyo 9, ayon kay PNP Health Service head Lt. Col. Jay Carpio.
“Kami pong PSC frontliners, umaasa po kami na gagaling po ang lahat ng mga pasyente natin dahil ginagawa naman po lahat ng AFP medical doctors ang lahat. Ang hiling lang po namin ay sana walang mamatay sa ating mga pasyente, dasal na lang talaga ang kailangan natin,” ani Dayag.





Comments