Football events sa 'Pinas, inaasahan nang makapagsimula
- Rafaella Garcia
- Jun 10, 2020
- 2 min read

Optimistiko si dating football player Mariano "Nonong" Araneta na mabibigyan ng pahintulot ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang mga team sports na gaya ng football na muling makapaglaro sa mga susunod na araw.
Basta mayroong tamang alituntunin na ipatutupad ay posible umanong maisagawa ang mga team sports ayon sa Presidente ng Philippine Football Federation (PFF) na si Araneta na siya ring Chef de Mission ng Team Philippine para sa Tokyo Olympics.
"It's doable. Mas malaki pa 'yung bilang ng mga naging kaso ng COVID-19 sa Italy, sa Spain, kaysa dito sa atin, but somehow, they were able to go back sa normal. So kung sila nga nagawa nila with the huge number of positive cases, mas kaya nating magawa," ani Araneta.
Kabilang ang Football sa pitong sports na humiling sa (IATF) noong nakaraang linggo na payagan na makapaglaro kung saan kabilang din ang Athletics, Volleyball, Basketball, Gymnastics, Karatedo at Rugby.
Sa kasalukuyan ay pinayagan na ang mga sports na swimming, biking, skateboarding, tennis, badminton at equestrian at maari pang madagdagan ito kapag naibaba na sa Modified GCQ ang community quarantine.
Posible umano ang closed door game na maipatupad sakaling payagan ang nasabing sports, kung saan tanging ang mga manlalaro lamang ng magkabilang team at mga coaches at mga opisyales nito ang tanging laman ng playing field.
"Pwede naman 'yung closed door then 'yung mga players and coaches of both teams lang ang nasa loob, walang spectators. then habang 'yung ibang teammates ay naka-upo naka face mask sila, tapos sa bleacher lang sila pwedeng umupo, one seat apart. Bawal ang body contact. 'Yung mga ganoong protocol na pwedeng maisagawa para sa team sports gaya ng football. S'yempre kapakanan din ng mga players ang habol natin, but if we will just wait at wala tayong gagawin, walang mangyayari sa atin pare-pareho eh," ayon pa kay Araneta.





Comments