Golovkin, mabigat na fighter kontra Pacman ayon kay Roach
- Gerard Arce
- Jun 8, 2020
- 2 min read

Hindi lingid sa mga tagasubaybay ni Eight-divison world champion na si Manny “Pacman” Pacquiao na kilala itong hindi umaatras sa anumang laban, lalo na ang mga pinakamahuhusay na boksingero sa iba’t ibang dibisyon.
Matunog na napag-uusapan sa ngayon ang napipintong paghaharap para sa unification title bout ni World Boxing Association champion Pacquiao at undefeated welterweight title holder Terrence “Bud” Crawford; ngunit hindi rito natatapos ang pag-aasam ng Fighting Senator na makahanap pa ng magagaling na boxer sa buong mundo – lumutang na rin ang pangalan ni Gennady Gennadyevich “GGG” Golovkin sa listahan.
Inihayag ni Hall of Fame boxing trainer Freddie Roach ang pagnanais ng Pambansang Kamao na makakita ng laban na sasagot sa lahat ng hiling na masubukan ang kahit sino, kahit pa man umakyat ito ng mas mataas na kategorya sa middleweight division.
“There are always good fights out there, The one thing about Manny is he doesn’t want to beat anybody he wants to beat the best out there, he wants to fight the top guys,” pahayag ni Roach sa panayam sa kanya ng DAZN. “But the thing is Manny maybe might want to go a little higher and fight GGG or one of those guys who is supposed to be one of the best in the world today,” dagdag nito.
Makailang ulit ng ginimbal ni Pacquiao ang daigdig sa pagwasak nito sa mga kalabang mas mabibigat at mas malalaki sa kanya. Kabilang na rito si Oscar “Golden Boy” De la Hoya na kanyang pinasuko sa 9th round sa bisa ng technical knockout noong 2008, kung saan dalawang weight class ang inakyat ni Pacquiao mula sa lightweight para sa non-title welterweight bout.
Pinatumba rin nito ang mas malaking si Miguel Cotto sa 12th round noong 2009 para sa WBO welterweight title at mas matangkad na si Antonio “Tijuano Tornado” Margarito para sa WBC super-welterweight na nagpaputok sa mukha ng Mehikano noong 2010.
Sakaling itulak ng tadhana ang tapatan ng Filipino icon at ng dating World at Asian Games champion at 2004 Athens silver medalist, ay tiyak na magiging super mega-blockbuster bout ito.
“Mikey Garcia has called him out a couple of times, I think that’s a good fight for him, of course. Robert [Garcia] called him out on one of your shows, that made me smile because I like that fight for Manny, I think it’s a great fight deal, but, Pacquiao still desires to be the best there is,” saad ng legendary trainer.
Sa bandang huli, anumang naisin ni Pacquiao na laban ay tiyak na magiging maganda at malaki, gayunpaman, hindi nito pinapayuhan si Pacquiao na umakyat pa ng dibisyon at kaharapin ang Kazakhstan fighter na si GGG (42-1-1, 35KOs) dahil masyado na itong mabigat para sa kanya at delikado na sa kanyang kalusugan at katawan.
“I would not advise him to go 160lbs, that would be a little crazy. But putting him at 147lbs was a risk at one time,” eksplika ni Roach na minsan ng nakuwestiyon sa desisyong iakyat siya ng welterweight category; “People would go to me, ‘why are you moving him up to 147lbs?’, but he was very natural at that weight, he made the weight pretty good.”





Comments