Paano mo mapatitibay ang tiwala sa sarili at kakayahan?
- Nympha
- May 26, 2020
- 3 min read

Abut-abot ba ang nerbiyos mo kung paano mo iinterbiyuhin ang mga top caliber individual dahil utos ‘yan ng boss mo o kaya naman, ipakikilala ka na ng iyong boyfriend sa mayaman niyang magulang at sa iba pa niyang kaanak?
Feeling mo, lulubog ka na sa kinatatayuan mo at sari-sari na ang iniisip kung ano na ang magiging impresyon nila sa iyo. Ano kaya ang isusuot ko? Ano ba ang dapat kong hitsura pagharap sa kanila?
Ayon kay Stacey Colino, ang pag-aktong matapang ay hindi madali, lalo na kung nanginginig na ang buong kalamnan at mga tuhod, ang mga kabog mo sa dibdib ay parang mga daga na nagtatakbuhan. Pinakamabuting magkunwari na lang kaysa hindi mo magawa.
Ang self-confidence, ‘ika nga ay galing sa kalooban, kaya kailangang ilabas ito. Inuutos naman ng isipan na umakto na tipong matalino, listo, attractive at successful para mas makilala ka sa ganyan ng iba.
Heto ang 10 tips para makasanayan mo sa iyong personalidad na tumatag ang tiwala sa sarili.
1. IMADYININ NA PERPEKTO ANG TINDIG MO. Bago ka nerbiyusin, ipikit mo ang iyong mga mata at isipin ang mga bagay na nakagagaan sa loob, isang bagay na nagpapalakas sa kahusayan mo. Puwedeng ‘yung galing sa napanood mong Korean telenobela at ‘yung pinakamabangong sabon na nagamit mo sa iyong pagligo. Kapag malinaw ang imahe at positibo ka, dama mo na ang katatagan ng loob.
2. ISIPIN MONG PARANG IKAW ANG MAY-ARI NG SILID NA PINASOK MO. Sa paraan ng iyong paglakad, ayon kay Colino, isa lang ang sasabihin sa ‘yo kapag diretso ang tindig mo, balikat, mataas ang ulo at nakalarawan sa mukha ang mapayapang awra na akala mo ay may direksiyon ang sasabihin. Kapag malalaki ang iyong hakbang, ikaw ang taong palahalubilo, independent at mas masaya kaysa sa matipid ang paghakbang.
3. MAGKAROON NG IDOLO. Masusukat mo rin ang sarili sa taong hinahangaan, puwedeng si Boy Abunda o kaya naman, isang kasamahan sa trabaho na mahusay makiharap sa iba’t ibang uri ng tao. Sikaping gayahin ang taong ‘yun kapag kailangan mo ng kanyang abilidad. Gaya ng kumpiyansa ni Sarah Geronimo sa ibabaw ng stage at ang galing ni Boy sa pagsasalita.
4. I-ENSAYO ANG PAGIGING MAKATAO. Natututunan ang self-confidence sa praktis nang paunti-unti, mula sa sining ng paghulma sa pagsasalita tulad ng paggawa ng paraan na makipag-usap sa ‘di kakilala, jeepney/taxi driver, store clerk, bank guard. Matapos ito ay madarama mo na madali nang dalhin ang sarili sa anumang uri ng pag-uusap maging sa isang high ranking official o sa taong makasalamuha saanmang lugar.
5. MAGDAMIT NANG MAAYOS. Pumili ng kasuotan, pabango, make-up at kulay upang magmukhang propesyonal, sopistikado, sporty o anumang image na gusto mo. Huwag manamit nang hapit na hapit sa katawan o masikip, naka-plunging neckline na kita ang dibdib. Magsuot ng komportable lalo na kung magsasalita sa harap ng maraming tao. ‘Yan ay para marelaks ka kung nais magpa-impress.
6. PAKALMAHIN ANG NERBIYOS. Sabi ni Colino, alamin ang kinatatakutan at kung paano ka pisikal na magre-react. Pinapawisan ang palad mo? Kinakagat-kagat mo ba ang iyong labi o kuko? Bumababaw ba ang paghinga mo? Nagpapatunog ka ba ng mga daliri mo at binubuhol mo ba ang iyong buhok? Kapag nabatid mo na ang mannerisms na ito ay may control ka na. Kaya anuman ang mangyari, hindi ka apektado ng pagkaasiwa mo.
7. BE FRIENDLY. Kapag matao ang lugar, hindi nakakanerbiyos dahil pare-pareho lang kayo ng nararamdaman, lalo na kung wala rin silang kakilala roon. Puwede kang magpakilala sa isa para masimulan mong maging kumpiyansa at komportable. Hindi mo kailangang magpapansin sa lahat dahil maiilang ang kausap mo kapag sobrang daldal mo. Magtanong ka ng mga bagay hinggil sa paligid at hindi personal, saka ka makinig sa mga sagot ng iyong kausap. D’yan masasalamin ang iyong kumpiyansa at may score points ka na dahil nakuha mo na ang kanilang pansin.
8. PALAKASIN ANG BEST ASSET. Kung may isang talent ka nang natuklasan mong madalas purihin at kinakikitaan ka ng galing, huwag mo na ‘yang bitiwan. Mas palaguin mo pa ito para sa iyong ikatatagumpay.
9. MAGSALITA NG MARAHAN AT MALINAW. Mas masarap kausap at mas pinakikinggan ang taong softspoken at madaling naiintindihan ang mga sinasabi. Sila ang higit na nagiging maimpluwensiya.
10. TANGGAPIN NG MASAYA ANG PAPURI. Nakalulugod sa puso ng kausap kapag sinsero ka sa pagpapahayag ng iyong pasasalamat.
Comments