Karapatan sa mana ng namatay na kapatid kung ito ay hindi kasal sa kinakasama at walang anak
- Persida Acosta
- May 22, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Last month ay namatay ang kapatid ko nang hindi nagkakaanak at mayroon siyang naiwang malaking halaga ng pera sa ilang mga bangko. Bukod sa kanya ay mayroon pa kaming isang kapatid ngunit kami ay matagal nang ulila sa mga magulang. Nais sana naming magkapatid na paghatian ang kanyang naiwang deposito sa bangko ngunit sinasabi ng kanyang kinakasama hanggang sa siya ay mamatay na siya lamang daw ang may karapatan doon. Nais ko lamang malaman kung kanino talaga dapat mapunta ang mga naiwang halaga ng aking namayapang kapatid? – Shamari
Dear Shamari,
Para sa inyong kaalaman, ang mga kapatid ay tinatawag na collateral relatives ng isang namatay. Ayon sa Article 1003 ng Civil Code of the Philippines, maaari lamang magmana ang mga kapatid ng namatay kung ang huli ay wala nang magulang, lolo at lola, lehitimo o ilehitimong anak at asawa:
“Article 1003. If there are no descendants, ascendants, illegitimate children, or a surviving spouse, the collateral relatives shall succeed to the entire estate of the deceased in accordance with the following articles.” (Binigyang-diin)
Samakatwid, sapagkat ang naiwan lamang ng inyong namatay na kapatid ay ang kanyang kinakasama, hindi siya maaaring magmana mula sa kanya dahil hindi sila kasal at hindi siya maituturing na asawa ng namatay. Dahil dito, kayo at ang inyong kapatid ang mayroong karapatan na magmana ng mga naiwang deposito sa bangko ng inyong namayapang kapatid.
Bukod pa rito, dapat rin ninyong malaman na sinasabi ng Article 1004 ng nasabing batas na bilang tagapagmana, kayong magkapatid ay dapat makatanggap ng patas na parte sa naiwang ari-arian ng inyong namayapang kapatid. Ayon sa nabanggit na artikulo:
“Article 1004. Should the only survivors be brothers and sisters of the full blood, they shall inherit in equal shares.” (Binigyang-diin)
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalam sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments