Bisikleta igigiit na gawi nang major mode of transportation
- BULGAR

- May 21, 2020
- 2 min read

Sa unang pagkakataon ay nagsanib puwersa ang tatlong pangunahing cycling stakeholders ng bansa para sa panawagan sa paggamit ng bisikleta bilang transportasyon sa tinatawag na ‘new normal.’ Nagkaisa ang Lina Group of Companies sa pangunguna ni G. Bert Lina (Air21), Moe Chulani ng Ronda Pilipinas at Jeremy Go ng Go For Gold matapos ang kanilang organizational meeting noong Martes para irekomendang gawing "major mode of transportation" ang bisikleta ngayong COVID-19 quarantine period hanggang sa bumuti ang kasalukuyang sitwasyon. Humingi din ng suporta sa gobyerno ang grupo sa pamamagitan ng regulasyon ng mga bike lanes sa lahat ng mga national, city at municipal roads sa buong bansa. “There is a need to develop a proof-of-concept (POC) design adopting the bike lanes that have already been launched,” pahayag ni Lina na sya ring chairman ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling). “The group could come up with a proposal to fix the existing bike lanes.” Mayroon ng itinalagang mga bike lanes sa Antipolo City at Iloilo City may dalawang taon na ang nakalilipas ayon kay Chulani at minimintina ito ng mga pribadong grupo.
Kinakailangan naman umanong maging prayoridad ang kaligtasan ng mga riders sa mga ipapagawa pang mga bike lanes habang kailangan ding sumunod sa batas trapiko ang mga siklista ayon naman kay Go. Ito ang unang pagkakataon na nagkaisa ang mga cycling major stakeholders, race organizers at mga managers upang tumulong na pigilin ang paglaganap ng pandemic. Maliban sa paglalagay ng mga bicycle lanes, layunin din ng grupo na maitanim ang kultura ng paggamit ng bisikleta sa komunidad. Susuportahan din nila ang pagpabor ng Kongreso sa paggamit ng mga tao ng bisikleta bilang transportasyon gaya ng House Bill No. 174 nina Representatives Karlo Nograles ay Jericho Jonas Nograles at Senate Bill 1518 ni Senadora Pia Cayetano na hangad na magkaroon ng mga pop-up bicycle lanes at pathways sa panahong ito ng pandemic. Inaasahan din nila na bubuhayin ni Senador Francis Tolentino ang kanyang cycling advocacy noong nanunungkulan siya bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority. Nakahanda rin silang makipag-uganayan sa Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission para palawakin pa ang kanilang adbokasiya.





Comments