Muling pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, pinaghahandaan sa pagluwag ng lockdown

Simula bukas, Mayo 16, isasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang moderate risk areas habang ang mga high-risk areas naman ay ilalagay sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) tulad ng National Capital Region (NCR), Laguna at Cebu City.
Habang naghahanda na ang mga lugar na isasailalim sa GCQ at MECQ, naghahanda na rin ang mga ospital sa posibilidad na tumaas ulit ang kaso ng COVID-19.
Matatandaang ang San Lazaro Hospital ang unang pagamutan na nakapagtala ng COVID-19 patient noong Enero kung saan 23 beds lamang ang kapasidad ng pagamutan para sa COVID patients na naging 48 beds at sa ngayon, naghahanda pa ito ng karagdagang 16 beds.
Ang pavilion 2 ng naturang ospital na noon ay punumpuno ng mga pasyente na may tigdas, dengue o leptospirosis ay binakante at kinabitan ng pinto ang mga kuwarto para ma-isolate at magamot ang mga pasyenteng may COVID-19.
Gayundin, kung noon ay umaabot sa anim na pasyente ang nagkakasya sa bawat silid, ngayon ay isang pasyente muna kada kuwarto.
Ayon sa mga doktor, hindi nawawala ang posibilidad na muling tumaas ang kaso ng COVID-19 pagtapos ng ECQ, gayundin, patuloy na naghahanda ang mga health workers sa “worst case scenario”.
Gayunman, kamakailan ay sinabi ng World Health Organization (WHO) na baka hindi na mawala ang sakit kaya dapat manatiling alerto at siguraduhing handang rumesponde.
Sa ilang buwang pagsasakripisyo at pakikipaglaban natin, mukhang matagal-tagal pa ang laban natin kontra COVID-19.
Nakakatakot ang posibilidad na muling tumaas ang bilang ng mga kaso nito sa bansa, pero sana ay hindi tayo makampante sa pagluwag ng lockdown.
Hindi porke inalis ang ECQ, tapos na ang pagiging disiplinado at pag-iingat natin. Nand’yan pa rin ang banta at hindi natin alam kung kailan ito aatake.
Naging iba man ang paraan ng ating pamumuhay mula nang ipatupad ang ECQ, makabubuting ganito pa rin ang gawin natin sa mga susunod na araw, linggo o buwan para manatiling ligtas laban sa nakamamatay na virus.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments