top of page

Gen. Sinas, todo-party sa gitna ng laban sa COVID-19, malinaw na nilabag ang mga protocols, dapat la

  • Ka Ambo
  • May 14, 2020
  • 2 min read

Silang mga “anak ng Diyos”.

‘Yan ang bansag ngayon sa mga “pasaway” na nagpapatupad ng ECQ, GCQ at MECQ.

Sila mismo ang sumusuway sa batas—nagpa-party at nag-iinuman ng beer!

◘◘◘

KUMALAT sa social media ang kahiya-hiyang litrato ng birthday party ni NCRPO Chief Debold Sinas.

Nagtatatwa siya sa mga larawang nagpapakita ng hindi pagsunod sa social distancing—at grabe ang “malayang pag-iinuman” ng beer!

◘◘◘

HINDI nalalayo si Sinas kay dating Senate President “Koko” Pimentel, kahit positibo sa COVID-19 virus—ay gumala at dumadalo sa mga party.

Nagpunta sa ospital kung saan—napuwersa ang mga medical personnel na magpa-quarantine at magpa-COVID-19 test!

◘◘◘

KAAWA-AWA ang mga inosenteng sibilyan na inaaresto at sinasaktan dahil sa paglabag sa quarantine.

Pero ang mismong hepe ng pulis ay lantarang lumalabag!

◘◘◘

NAG-SORRY lang si Sinas at umaktong abogado niya si PNP Chief Archie Gamboa na nangatwirang “surprise party” ang naganap na “manyanita” kuno.

Niloloko ni Gamboa ang taumbayan—dahil ang mga dumalo—siyempre ay mga pulis din na nag-manyanita “kuno” sa kanilang hepe!

◘◘◘

MALINAW na inamin at kinumpirma nina Sinas at Gamboa ang “espesyal na okasyon”.

Nakakahiya at nakakasuka ang ganitong klaseng “opisyales”.

Isipin mong dumaraing si P-Digong na hindi siya dumalo sa birthday ng kanyang anak at apo sa Davao dahil nais niyang sumunod sa “protocol”, pero ereng mga hepe ng pulis ay lantarang binabastos ang proseso!

◘◘◘

WALA nang moral ang pulisya na ipatupad ang “protocol” sa buong bansa dahil sa naturang okasyon.

Hindi na igagalang at kukutyain sila ng mamamayan na kanilang pinagmamalupitan!

◘◘◘

UPANG masagip sa kahihiyan at maigalang ang “protocol”, dapat magkusa sina Sinas at Gamboa na magbitiw sa posisyon.

Hindi mauuto o maloloko nina Sinas at Gamboa ang taumbayan—hindi bopol ang nag-aalimpuyong galit na mamamayan!

◘◘◘

NAGTITIIS na manahimik sa loob ng bahay ang 100 milyong Pinoy kasama si P-Digong, pero ang mga pulis ay nagpa-party at nag-iinuman.

Dapat humanap si P-Digong ng mas kagalang-galang na lider o hepe ng pulisya na siyang magpapatupad nang batas nang seryoso at walang halong pagkukunwari at pagsisinungaling!

◘◘◘

HABANG tumatagal ang isyu, lalong napapahamak ang iba pang opisyal at frontliners na seryoso at nagpapakahirap na ipatupad ang quarantine.

Kung seryoso sina Sinas at Gamboa na tulungan si P-Digong at ang mamamayan—dapat silang magsumite ng “courtesy resignation”.

Kailangan nilang magbitiw sa puwesto—kahit pakitang-tao lang!

◘◘◘

HINDI na effective leaders ang hepe ng PNP at NCRPO—nauunawaan kaya ito ni DILG chief Eduardo Año?

Maawa kayo sa libu-libong frontliners na ibinubuwis ang buhay—pero sinisira lang ng ilang lider ng Pambansang Pulisya!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page