top of page
Search

Babalik na ang “angkas”.

Dapat lang!

◘◘◘

Malaya na ang mga tao na makalabas.

Pero nilalangaw pa rin ang mall!

◘◘◘

Malaya nang bumiyahe ang mga Pinoy.

Pero, walang tao sa airport terminal!

◘◘◘

Nagkukusa ang tao na hindi lumabas ng bahay.

Wala kasing datung!

◘◘◘

Kahit gawing mamiso ang tindang damit, wala pa ring bumibili.

Naalala ko ang kuwento na aking Tatang Sucing at Inang Talia sa pagdarahop sa Panahon ng Hapon, kahit gawing mamiso ang presyo ng isang kalabaw noon, wala pa ring pumapakyaw!

◘◘◘

Ang takot ng tao na lumabas ng bahay ay magbubunsod ng krisis sa ekonomiya.

Ngayon, ang gobyerno mismo ang humihimok sa populasyon na lumabas ng bahay pero hindi ito pinakikinggan.

‘Yan na ang aktuwal na krisis!

◘◘◘

Hindi lalabas ang mga tao sa kalye dahil sarado ang mga pabrika at kumpanya.

Sarado ang negosyo — kaya’t walang obrero sa kalye!

◘◘◘

Walang gaanong trapik—at natupad ang dasal ninyo.

Walang trapik sapagkat hindi umaandar ang ekonomiya.

Ang heavy traffic ay indikasyon ng malusog na ekonomiya.

Walang trapik ngayon, indikasyon ito ng aktuwal na krisis!

◘◘◘

Nagkamali ang gobyerno sa pananakot at pagpaparalisa ng ekonomiya.

Kahit naparalisa ang ekonomiya, hindi naman napatay ang COVID.

Ang napatay ng gobyerno ay ang sarili nilang ekonomiya!

◘◘◘

May bakuna na kontra COVID next year.

Pero, walang “bakuna” laban sa lugmok na ekonomiya!

◘◘◘

Paano na ang Pasko?

Paano na ang New Year?

Walang Pasko tulad ng paglalaho ng Holy Week at All Saints Day!

◘◘◘

Kapag walang “Holidays”, kailan pa makakaahon ang ekonomiya?

Kailan?

◘◘◘

Santambak ang reserve dollars sa gusali ng Bangko Sentral.

Bakit?

Wala kasing negosyo na patok, lahat ay nakatameme sa loob ng bahay—kapitalista at konsiyumer!

◘◘◘

Unprecedented, walang kamukha, walang katulad at walang modelo na makokopya kung paano maiaahon sa krisis ang bansa at buong daigdig.

Dahil walang hulmahan, kopyahan at padron—walang malinaw na solusyon ang krisis sa 2021!

◘◘◘

Ano’ng klase ng eleksiyon ang naghihintay sa mga susunod na taon? Surpresa.

Maaaring magwagi ang mga dati nang mayayaman at magnanakaw na pulitiko.

Pero, maaari ring biglang mahalal—ang mga sorpresang kandidato mula sa kawalan

 
 

Balik na sa normal.

Ang gobyerno na lang ang “wala pa sa normal”.

Pero ang mga Pinoy, normal na normal na!

◘◘◘

ANG krisis sa ekonomiya ay ibinubunsod na lang mismo ng gobyerno.

Kapos sa praktikalidad ang gobyerno.

Nawala na sila sa “hulog”!

◘◘◘

ALAM ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng “hulog”?

Ito ay isang klase ng kasangkapan ng mga karpintero at mason.

Ang hugis nito ay bilog sa malaking bulto pero patatsulok o patulis ang kabilang dulo.

Ibig sabihin, ito ay kahugis ng “turumpo”.

Opo, may tusok sa pinakadulo—pero malaking bilog ang nasa kabilang dulo!

◘◘◘

SAAN ginagamit ang hulog?

Ang hulog ay tinatalian sa bandang pinakamalaki at pinakamabigat na bahagi.

Ang pinakamagaan na bahagi ay ang tulis nito.

Ibinibitin ang hulog upang masapol ng tulis ang pinakasentro paibaba gamit ang gravity.

Ginagamit ang hulog upang matukoy ang “tuwid na porma” ng itatayong poste pa-perpendicular na ayos!

◘◘◘

IBIG sabihin, kapag ang isang poste ay naitindig nang may 90 percent (right angle) ang anggulo paitaas—tinatawag itong: “Ang poste ay nasa hulog”.

Pero, kapag nakahapay o nakatigilid ang poste tulad ng Leaning Tower of Piza—ang toreng ito ay “wala sa hulog”!

◘◘◘

ANG kasingkahulugan nang “wala sa hulog” na kinakantiyaw sa Bulacan—ay ang “may banto” o “may konti (banto)”.

Ibig sabihin ng “kaunti” o “banto” ay wala sa maayos na disposisyon o isip!

◘◘◘

ANO ang “banto”?

Ito ay hango sa pagpapakulo ng tubig.

Kapag nagpakulo ng tubig—at sobrang init nito, pero nais mong inumin, sasabihin ng iyong nanay: “Lagyan ng banto” upang maging maligamgam.

Ang banto ay pagdaragdag nang “kaunti” sa isang bahagi ng malaking bulto.

May “banto ng tubig” na malamig ang bagong kulong tubig.

Wala sa 100 porsiyento, hindi perpekto—‘yan ang ibig sabihin ng “may banto”!

◘◘◘

MAY “banto” at “wala sa hulog” ang disposisyon ng gobyerno—kaya nagkakaloko-loko ang pagbabalik sa normal.

Maunawaan sana ito ng Malacañang at ordinaryong mamamayan.

Normal lang ba na hindi perfect ang diskarte?

Isang kalakaran ba ngayon ang maging “abnormal”.

Hindi normal ang “may banto” at “wala sa hulog”.

‘Yan ang bagong normal!

 
 

WALANG epekto ang Anti-Terror Bill sa ordinaryong mamamayan.

Apektado lamang nito ang mga kalaban ng gobyerno!

◘◘◘

‘YUNG isang kahig-isang-tuka, pagdelihensiya ng pagkain ang inaatupag.

Wala silang oras para manggulo at ibagsak ang pamahalaan!

◘◘◘

PERO ang Anti-Terror Bill ay apektado mismo ang AFP at PNP.

Hindi lahat ng kanilang miyembro ay may iisang paninindigan.

Kumbaga, may paksiyon-paksiyon din ‘yan.

Lagot kayo sa Anti-Terror Bill—sa inyo rin ia-apply ‘yan kapag nagkaroon ng “hidwaan ang mga lider” sa pamahalaan!

◘◘◘

MATAGAL nang kalaban ng CPP-NPA at Abu Sayyaf ang gobyerno—hindi rin sila apektado.

Matagal na silang inaaresto kahit suspetsa pa lamang!

◘◘◘

ANG Anti-Terror Bill ay para sa mga nagbabalak o mga bagong grupo na nais pabagsakin ang pamahalaan.

‘Yan ang malinaw!

◘◘◘

MAY kinalaman ba sa COVID-19 ang Anti-Terror Bill?

Siyempre, meron!

◘◘◘

KAPAG nagkaroon ng matinding krisis, maraming grupo ang maaaring gumawa ng pananakot at panggugulo.

Kapag krisis, marami ang tinotopak.

Ibig sabihin, marami ang maghahasik ng lagim—para sa kanila ang Anti-Terror Bil!

◘◘◘

SA Amerika, hindi maubos ang terorista kasi karaniwang sa bawat tao ay may baril.

Kapag naburyong at tinopak—maghuhuramentado at namamaril.

Para sa kanila ang Anti-Terror Bill!

◘◘◘

ANG malungkot, ang Anti-Terror Bill ay isang batas na hindi magpaparami ng pagkain.

Hindi ito batas pang-ekonomiya.

Hindi ito batas na magbibigay ng trabaho sa mga nagugutom!

◘◘◘

ANG anti-Terror bill ay may layuning proteksiyon ang gobyerno at mismo ang pribadong tao—partikular ang mga multi-bilyonaryo.

Layunin nitong mapigil ang protesta at rebelyon sa gitna ng kalye!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page