top of page

Signal No.1 sa ilang lugar sa Visayas dahil sa Bagyong Ambo

  • V. Reyes​
  • May 13, 2020
  • 1 min read

Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Eastern Samar at Northern Samar dahil sa Bagyong Ambo. Sa severe weather bulletin na ipinalabas ng PAGASA kaninang alas-5:00 ng madaling-araw, nasa ilalim ng Signal No. 1 ang hilagang bahagi ng Eastern Samar (Jipapad, Maslog, Arteche, San Policarpio, Oras, Dolores, Can-avid, Taft, Sulat, San Julian, Borongan City) at silangang bahagi ng Northern Samar (Lapinig, Gamay, Mapanas, Palapag, Laoang, Catubig, Las Navas). Nabatid mula sa PAGASA, lumakas pa ang bagyo na magdadala ng mahina hanggang sa katamtaman na minsan ay lalakas na pag-ulan sa Eastern Visayas. Dahil dito, pinayuhan ng PAGASA ang mga residente sa lugar na mag-ingat sa mga posibleng flashflood at landslide lalo na sa panahong matindi ang pag-ulan. Tinatahak ng Bagyong Ambo ang Hilaga-Hilagang Kanluran ng Philippine Sea sa silangan ng Samar Island patungong Bicol Region area. Alas-4:00 ng madaling-araw nang huling mamataan ang sentro ng Bagyong Ambo sa layong 410 kilometro Silangan ng Borongan City, Eastern Samar. Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 85 kph at pagbugsong hanggang 105 kph. Ayon pa sa PAGASA, asahan bukas ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas, Catanduanes, Albay, Sorsogon at Masbate.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page