Pamimigay ng ayuda, nauwi sa gulo, 3 arestado
- BRT
- May 10, 2020
- 1 min read

Nauwi sa gulo at pag-aresto ang pamimigay ng social amelioration program (SAP) cash assistance sa Barangay Culiat, Quezon City.
Ayon sa barangay chairman na si Vic Bernardo, inakala ng mga residenteng hindi pa nabibigyan ng tulong pinansiyal na ngayong Linggo mamamahagi ng ayuda ang mga opisyal ng barangay.
Gayunman, ayon kay Bernardo, bukas pa nakatakdang ibigay ng Quezon City Social Services Development Department ang pondo para sa natitirang SAP beneficiaries sa lugar.
Nang pauwiin ang mga pumilang residente, may ilan umanong naiwan at pinagmumura at pinagbantaan ang mga tauhan ng barangay.
Aniya, nasa 700 residente ng barangay na lamang ang hindi nakakuha ng cash aid mula sa SAP.
Samantala, mahaharap sa kaukulang reklamo ang dalawang lalaki at isang babae na nagpasimuno umano ng gulo.
Sa Barangay Bagong Pag-asa naman, nagkabalyahan ang mga residente para makauna sa pila sa bigayan ng SAP cash aid.
Ayon kay Rodolfo Palma, chairman ng barangay, nagpatawag sila ng pulis para isaayos ang pila dahil ayaw makinig ng mga residenteng nag-uunahan at hindi na nasunod ang physical distancing.





Comments