Sintomas, lunas at iba pang kaalaman tungkol sa bipolar disorder
- Shane Ludovice
- May 8, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Bakit palaging sinasabi ng iba na kapag ang isang tao ay masyadong hyper binabansagan agad nilang, “Bipolar ‘yan, eh!”. Ano ba ang ibig sabihin ng bipolar? Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? - Estela
Sagot
Ang bipolar disorder ay karamdamang pang-kaisipan (mental disorder) kung saan ang tao ay nakararanas ng elevated mood (hyper ang mood, sobra-sobra ang energy at tila parang hindi napapagod).

Kaakibat nito ang iba pang karaniwang sintomas na:
Saksakan ng yabang (pakiramdam nila ay kayang nilang gawin ang lahat at tama sila palagi).
Hindi sila natutulog (kilos nang kilos kahit gabi – naglalaba, nagliligpit, nagpa-party).
Napakadaldal at hindi masingitan sa pagsasalita.
Madaling ma-distract (kapag may nakita silang bago o ideyang bago, lilipat na sila ng pagkuwento tungkol doon).
Nagiging mapusok (risky behavior) halimbawa: Nag-uubos ng pera sa casino o shopping, nakikipagkita sa mga ka-chat para makipag-sex. Ang mga sintomas na ito ay nararanasan halos araw-araw sa loob ng isang linggo.
Ang mga taong nakararanas ng mga sintomas na ito ay madalas nahihinto sa karaniwan nilang gawain. Halimbawa, sa trabaho, eskuwela o napapansin ng mga pamilya at kaibigan na hindi na nila nagagampanan ang kanilang mga karaniwang responsibilidad.
Isa ito sa mga nag-uudyok sa mga kaibigan at kamag-anak na patignan nila ang pasyente.
Ang mga taong may elevate mood at ang mga kaakibat nitong sintomas ay tinatawag na “manic”.
Ang mga taong may bipolar ay puwede rin makaranas ng kabaligtaran ng elevated mood – depression (lungkot na hindi lumilipas). Puwede rin magpalit-palit o mag-“alternate” ang elevated mood at depression.
Ano ang gamot para sa bipolar disorder?
Sa pamamagitan ng mga gamot (mood stabilizers), maaaring maibalik sila sa mga dati nilang gawain. Ang mga taong may bipolar ay fully functional (parang walang kahit anong mental health issues) kung sila ay nasa remission – “ok sila”. Hindi tulad ng Schizophrenia kung saan may naiiwang lamat sa tao ang sakit. Kaya importante sa mga may bipolar na mapanatili nilang hindi sila sumpungin ng kanilang karamdaman.
Namamana ba ang ito?
Mataas ang potensiyal ng mga taong may kamag-anak sa first degree (mga magulang, kapatid at anak) na magkaroon din nito. Hindi awtomatikong magkakaroon nito ang mga may kamag-anak na bipolar ngunit mataas ang kanilang tsansa na magkaroon nito lalo kung may magyaring mga stressful sa kanila.
Ano ang kaibahan ng Bipolar I at Bipolar II?
Ang pinakamadaling kaibahan nila ay mas malala ang sintomas ng mga taong may Bipolar I. Kung ang tao ay lubos na nakakapanakit ng kapwa o sarili na makabubuting i-admit sila sa mental facility, awtomatikong Bipolar I sila.
Ang mood ng mga taong may Bipolar II ay tinatawag na hypomanic – hypo nangangahulugang mas mababa.
Commenti