Masamang epekto ng sobrang paggamit ng mobile phone
- Lolet Abania
- May 4, 2020
- 3 min read

Halos dalawang buwan na mula nang ma-stuck ang lahat sa bahay at naghihintay lang ng oras sa maghapon. Kaya tuloy dahil sa pagkabagot, walang ginawa kundi hawakan gadgets lalo na ang mobile phone o cell phone.
Pero alam niyo ba na ang simpleng bagay na ito ay maaaring maging sanhi ng maagang kamatayan? Oo naman, dahil may matinding epekto ito sa mga iniisip at ginagawa natin na kung minsan ay nakakasama na ito nang hindi natin namamalayan.
Narito ang ilang rason kung bakit may masamang epekto ang sobrang paggamit ng cellphone para sa atin:
1. Aksidente. Kadalasan, kahit nasa daan at nagdadrayb ng sasakyan, kapag tumunog ang cellphone, dadamputin at babasahin agad ang messages. Mayroon nang batas na nagpapaalala na “don’t text and drive” pero dedma pa rin ang iba. Ang pagbalewala sa batas na ito ay nagreresulta sa napakaraming aksidente sa kalsada tulad ng banggaan. Ang iba naman, naglalakad habang nagtetext at hindi namamalayan na tatawid na sa kalye at may kasalubong na sasakyan. Sa mga naitalang aksidente sa lansangan, karamihan sa dahilan ay ang paggamit ng mobile phone habang nagmamaneho at naglalakad.
2. Dopamine at cortisol. Mula sa utak ng tao, ang dopamine ay nagde-develop bilang intrabensyon na dumaraan sa ating nervous system na nagbibigay ng epekto sa pagbilis ng pulso ng puso at presyon ng dugo, samantalang ang cortisol ay denisenyo sa katawan para makapag-react sa anumang panganib o pagbabanta. Malaki ang nagagawa ng cellphone sa isip at emosyon (galing sa likas na dopamino at cortisol) ng tao mula sa mga nakikita. Sa dami ng mga nababasa natin sa cellphone tulad ng patayan, giyera, mga nakakatakot at kung anu-ano pa, na ang dala ay masasamang balita, gumagawa ito ng negatibo sa isipan at reaksyon ng tao. Kaya kadalasan, ‘pag gumamit tayo ng cellphone at may hindi nagustuhan ay mabilis tayong nagagalit, gayundin, lumalabas ang matinding emosyon na hindi nakabubuti sa ating puso at kalusugan.
3. Pagkaadik. Dito mas naipapakita ng mga bata ang masamang epekto ng cellphone. Kung iisipin, wala na silang ginagawa kundi ang maglaro rito at marami silang dahilan huwag lang maistorbo sa pagse-cellphone, gayundin, hindi na sila nakakakain at natutulog sa tamang oras. Minsan ganundin tayo, na kapag tumunog ang mobile phone, tinitingnan agad natin ito at hindi tayo mapakali dahil gusto nating alamin ang message nito. Gayundin, nauubos ang oras natin dito para basahin ang laman ng mga messags na narito. Nakasasama ito sa ating mga mata at utak dahil nakababad tayo sa radioactive na bigay ng mobile phone, kaya nakararanas tayo ng pagsakit ng ulo.
4. Pagkabalisa at stress. Kapag nakabasa tayo ng anumang balita sa ating mga cellphone, hindi tayo mapakali at nagiging balisa tayo. Kahit pa magandang balita ito, hindi tayo titigil kaya apektado ang emosyon natin dahil dito. Gusto nating alamin ang maraming bagay tungkol sa nakikita o nababasa natin. Dito rin nagsisimula ang stress natin, dahil isip tayo nang isip kahit hindi naman importante. Dahil dito, mabilis tayong napapagod kahit walang ginagawa dahil sa pakikialam natin sa mga isyu kahit hindi tayo kasali rito.
Mabuti ang naidudulot ng mobile phone sa atin dahil nagbibigay ito ng mga impormasyon na kinakailangan para madagdagan ang ating kaalaman. Pero kung nasosobrahan tayo sa paggamit nito, masama ang nagiging epekto nito sa atin.
Lagi nating tandaan na gamitin natin ang ating mga mobile phone sa tamang paraan na hindi makapagbibigay ng masamang resulta sa atin. Okie?
Kommentarer