top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Sa Bgy. Poblacion 4, Sta. Cruz, Laguna... Libreng pakain kontra paglaganap ng COVID-19

  • V. Reyes
  • Apr 28, 2020
  • 2 min read

Naging epektibo umano sa kampanya kontra sa paglaganap ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang libreng pakain sa mga residente ng Barangay Poblacion 4, Sta. Cruz, Laguna. Mula almusal hanggang hapunan, may rasyon ng pagkain na sobra pa umano sa isang pamilya ang inihahatid ng mga opisyal at frontliners ng barangay sa bawat bahay na nasasakupan nito.

Ayon kay Barangay Captain Chad Michael Malapaya, kahit sa simpleng paraan ay nais nilang makatulong sa mga ka-barangay na maitawid ang araw-araw na pagkain.

"Bagama’t, hindi naibibigay ang pangangailangan nila nang buo, at least naitatawid namin ang almusal o tanghalian. Napakalaking bagay, bukod pa sa bigay na bigas na may kasamang sardinas at noodles," ayon kay Mapalaya.

Halos isang buwan na aniya ang rasyong pagkain sa Barangay Poblacion 4 na mayroong 324 pamilya o mahigit 1,500 residente.

Araw-araw na rin umano ang paghahatid ng pagkain, lalo na ngayong naka-total lockdown ang barangay simula noong Abril 20 hanggang 30.

Sinabi pa ni Malapaya na maliban sa pondo ng barangay ay malaking tulong ang mga donasyong pagkain tulad ng baboy, isda at gulay na kanilang lulutuin para maitawid ang arawang rasyon ng pagkain. May pagkakataon aniya na naglalabas na rin siya ng pera mula sa sariling bulsa.

"Hindi namin masyadong iaasa sa munisipyo, malaki rin kasi ang populasyon sa Sta. Cruz," ani Malapaya.

Aabot umano sa P5,000 kada araw ang nagagastos para sa rasyong pagkain ng buong barangay.

Ang pagpili ng menu o lulutuin ay nakadepende sa budget at donasyong inihatid sa barangay.

"Siguro may mga hihipuin ang Panginoon para tumulong sa amin," panalangin ng barangay kapitan sa gitna ng pagpapalawig pa ng enhanced community quarantine hanggang Mayo 15.

Sa ngayon, sinabi ni Malapaya na wala pang naitatalang kaso ng COVID-19 sa Barangay Poblacion 4 dahil karamihan sa mga residente ay hindi na kinailangang lumabas ng bahay para bumili ng pagkain.

"Nagagalit na po ang ibang mga barangay sa paligid namin, ginagalingan daw po namin," pagbibiro pa ni Malapaya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page