PBA sa Marso 2021 na kapag di natuloy sa Setyembre o Oktubre
- VA
- Apr 28, 2020
- 2 min read

Posibleng tuluyan nang kanselahin ng Philippine Basketball Association (PBA) ang kanilang 45th Season kung hindi pa rin maipagpapatuloy ang pagdaraos ng kanilang mga laro sa Setyembre o Oktubre.
Ito ang sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial sa gitna ng walang katiyakang sitwasyon na kinakaharap ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
“Government is considering the opening of classes by September. We’ll see kung papayagan na rin 'yung mass gathering (by that time). Kung hindi pa papayagan ang sports, baka i-cancel na natin 'yung season,” ani Marcial. Magpupulong muli online ang PBA board of governors bago matapos ang linggong ito upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng liga.
Sakali mang gawin na lamang general community quarantine ang kasalukuyang pinaiiral na enhanced community quarantine sa Metro Manila, hindi pa rin tiyak kung papayagan nang magkaroon ng mga "mass gatherings".
Kapag nagkataon, mula ng ilunsad ito noong 1975, ito ang unang pagkakataon na ititigil ang isang buong season ng PBA.
“(If ever) Season 46 na tayo. Start ng March (2021). Yung champions ng three conferences ng Season 44, they will defend their crowns then; rookies (of Season 45) ay rookies pa rin, tapos madadagdagan pa (from 2020 Draft),”ani Marcial.
Bago pa nagkaroon ng coronavirus pandemic, maraming planong isasagawa ang PBA para sa kanilang 45th anniversary na inaasahan sanang magbibigay ng malaking "revenue" o kita sa liga.
“Kung walang basketball, wala rin tayong activities. Malaking sakripisyo ang nangyayari sa PBA,” wika pa ni Marcial. Kabilang sana sa mga plano ng liga ang paglulunsad ng 3x3 tournament at implementasyon ng pagsasaayos ng officiating at ang referees/table officials development program. Hindi rin nawawala sa kanilang plano ang pagkakawanggawa para sa mga kapus-palad gaya ng Home Court kung saan bumibisita ang mga players at officials sa mga barangay street courts, Open Practice sa college gyms, Blood Donation Drive, Kids Day Out, Make A Wish Foundation, World Vision, PBA Heroes and Veterans at ang PBA Run For A Cause. Nasa plano rin nila ang pagdaraos ng exhibit road show ng mga video clips, memorabilia at jerseys ng nagdaang 45 taon sa pamamagitan ng docu-like production na tinawag nilang “virtual multi-museum.”
Sa panahon ng krisis, nakibahagi naman ang liga sa pagtulong sa mga frontliners sa pamamagitan ng pagkakaloob ng P1 milyong halaga ng mga personal protective equipment (PPE) para sa mga health workers sa Pasig, Antipolo at Biñan, Laguna.





Comments