top of page

‘Di porke nasa bahay, chill na lang... Mga paraan para mahikayat mag-aral ang mga bata

  • Justine Daguno
  • Apr 23, 2020
  • 2 min read

Isa sa mga naapektuhan ng krisis ay ang edukasyon ng mga estudyante kung saan napaaga at napahaba ang kanilang bakasyon. Pero dahil hangad nating ‘wag itong maisaalang-alang, dapat pa rin itong bigyang-prayoridad sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral kahit pa nasa bahay lamang.

Kaya naman, kung may ‘work at home’ ang mga empleyado, meron namang ‘home study’ ang mga estudyante.

Narito ang ilang tips natin para mas maging epektibo ang pag-aaral ng mga bagets habang stuck sa kani-kanilang tahanan:

1. Ihanda ang study area. I-setup ito sa lugar na may sapat na bentilasyon at malayo sa anumang distractions tulad ng T.V., cellphone o computer. Makapagpopokus sa aralin o babasahin ang mga mag-aaral kung meron silang maayos o komportableng study area.

2. Limitahan ang paggamit ng gadgets. Kailangan ng disiplina ng bata upang maging epektibo ang pag-aaral nito. Ipaintindi sa kanila na hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat silang gumamit ng gadget. Maaaring gumamit ng computer pero limitado lamang ito kung may kinalaman sa lesson.

3. Bigyan sila ng reward. Malaking bagay ang pagbibigay ng reward para ma-motivate ang mga mag-aaral. Puwede silang offer-an ng paborito nilang pagkain o anumang deal na gustung-gusto nila. Pero dapat ay ipaliwanag natin na higit pa sa reward ang maaari nilang makukuha kapag sineryoso nila ang kanilang pag-aaral.

4. Hikayatin silang magbasa. Mahalaga na hikayatin nating magbasa ang kabataan. Habang maaga, kailangang sanay o mahilig na silang magbasa dahil malaki ang maitutulong nito upang lumawak ang vocabulary at mahasa ang creativity ng bata.

5. Gumawa ng study plan. Tulad sa paaralan, dapat meron ding study plan upang maging epektibo ang pagho-home study. Siguraduhin lamang na hindi maiksi o masyadong mahaba ang oras na ilalaan sa pag-aaral upang hindi sila mabagot o mawalan ng gana. Maaaring gumawa ng listahan ng mga aktibidad na kailangan nilang matapos sa loob ng itinakda nating panahon

Hindi maitatangging mahirap mag-aral sa bahay dahil iba ang ambiance nito kumpara sa eskuwelahan, gayundin, maraming distractions dahil mas komportable ang bata sa lugar. Maraming estratehiya kung paano natin mahihikayat ang mga mag-aaral. Kailangan lamang nating maglaan ng mahabang pasensiya at konsiderasyon.

Comments

Couldn’t Load Comments
It looks like there was a technical problem. Try reconnecting or refreshing the page.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page