Alamin ang unang gagawin ng mga atleta matapos ang ECQ
- Rafaella Garcia
- Apr 13, 2020
- 2 min read

Naisip mo na ba kung anu-ano ang mga bagay na una mong gagawin kapag natapos na ang kasalukuyang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Luzon?
Halos lahat ng mamamayang Filipino ngayon ay nananatili lamang sa kani-kanilang mga tahanan, mga ordinaryong mamamayan, politiko, artista at maging ang mga kilalang atleta ng bansa.
Sa mga atleta, ang panahong ito sana ay panahon ng pagsasanay para sa darating na 2020 Tokyo Olympics na iniurong na sa 2021 sanhi ng banta ng COVID-19 sa buong mundo.
Isa sa mga sasabak sa Olimpiyada na pambato ng Pilipinas na si Irish Magno ay kasalukuyang nasa athletes quarters ngayon sa Baguio City at doon ay nagsasanay at inabutan ng ECQ.
Ngunit ayon sa unang Filipina boxer na kasama sa apat na sasabak sa Olimpiyada, ang una niya umanong gagawin matapos ang ECQ ay bisitahin ang kanyang pamilya sa Iloilo City.
"After po nitong quarantine, gusto ko po sanang umuwi sa probinsya. Gusto ko pong makasama 'yung pamilya ko kahit one week lang po. Hindi pa po sure depende po kung papayagan po ako. Pero sana po matuloy," pahayag ng 29-anyos na si Magno.
Ang unang Filipino Olympic qualifier naman para sa 2020 Tokyo Olympics ang pole vaulter na si EJ Obiena, ayon sa kanyang ina na si Jeanette ay kasalukuyan pa rin nananatili sa Italya na naka-lockdown doon.
"Naka-lockdown pa rin po doon at doon lang po siya sa bahay nagwo-workout. Pero naka-standby po siya kasi as of now po December 2020 ang start ulit ng qualifying para sa 2021 Olympics," ayon naman sa ina ni Obiena.
Ang gymnast na si Caloy Yulo naman ay nagpahatid ng mensahe sa pamamagitan ng kanyang ina, kung saan paghahanda pa rin sa Olimpiyada ang kanyang gagawin sa oras na matapos ang nasabing quarantine.
"Training na malupitan pa din," ayon naman kay Yulo na kasalukuyang nasa Japan, ngunit ang kanyang ina na si Angelica ay magtutungo naman sa Quiapo Church matapos nito.
Samantala, si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez naman ay patuloy pa rin ang trabaho sakaling matapos na ang naturang quarantine.
"Full disinfection ng mga venues ang una nating gagawin," pahayag ng PSC chief.
Kasalukuyang ipinapagamit ng PSC ang kanilang mga sports facilities bilang mga ospital para sa mga pasyente ng coronavirus sa bansa.





Comments