3 GM's matapang sa World Chess arangkada kahit may outbreak
- Eddie M. Paez, Jr.
- Mar 22, 2020
- 1 min read

Magkasosyo sa liderato pagkatapos ng apat na rounds sina Grandmasters Maxime Vachier Lagrave ng France, Ian Nepomniachtchi mula sa Russia at ang Intsik na si Wang Hao sa tanging world sports event na buong gilas na tumatakbo sa kabila ng banta ng COVID-19 at tinatawag na International Chess Federation (FIDE) Candidates 2020 sa Yekaterinburg, Russia.
Pare-parehong nagsuko ang tatlong mga chessers ng tig-iisang panalo at tatlong draws mula sa apat na salang sa board para sa kabuuang 2.5 puntos sa torneong naghahanap ng mandirigma sa ahedres na may karapatang humarap at hamunin si kasalukuyang world chess king at GM Magnus Carlsen.
Nakatutok naman kina Lagrave, Nepomniachtchi at Bao dala ang kartadang dalawang puntos si pre-tournament favorite at dating world challenger GM Fabiano Caruana na kumakatawan sa Estados Unidos. Nakaldag ni GM Ding Liren ng China sa pambungad na round si Caruana pero nakaposisyon na ito upang muling hamunin si Carlsen matapos na makakulekta ng isang panalo at dalawang hatian ng puntos. Kasama ni Caruana, dating manlalaro ng bansang Italya, sa pangalawang pulutong ang isa pang bituin ng punong-abala sa katauhan ni GM Alexander Grischuk.
Ang malupit na paligsahan, na minsan nang tinampukan ng tubong Cavite at World Random Fischer champion na si GM Wesley So, ay regular na kaganapang umipon sa walong pinakamalulupit na disipulo ng chess sa buong mundo sa round-robin na tuntunin upang piliin kung sino ang puwedeng humamon sa kasalukuyang hari ng standard chess sa buong daigdig.





Comments