top of page

Mga dapat gawin para sure na safe ang mga pet vs rabies

  • Justine Daguno
  • Mar 19, 2020
  • 2 min read

Bukod sa Fire Prevention Month ang Marso, ito rin ay Rabies Awareness Month. Dahil sa mainit na panahon, hindi lamang ang mga tao ang apektado kundi maging ang mga alaga nating hayop kung saan madalas silang nakararamdam ng pagkairita o hindi kumportableng pakiramdam.

Kaugnay nito, ang rabies ay preventable viral disease na madalas nakukuha sa pamamagitan ng kagat ng hayop at tuwing Marso, naitatala ang maraming bilang ng mga nakakagat ng alagang hayop, partikular ang aso. Kaya naman, upang maiwasan ito, narito ang ilan sa mga bagay na dapat nating gawin:

1. HUWAG SILANG KULITIN O ISTORBOHIN. Kapag kumakain o tila wala sa mood ang ating alagang hayop, makabubuti kung huwag muna tayong makipagkulitan. Marami sa atin ang hindi aware na kahit sabihin pang “pet” sila ay nawawala rin sa kondisyon kaya hindi sila dapat inaabuso o hinaharot sa lahat ng pagkakataon.

2. PABAKUNAHAN ANG MGA ALAGANG HAYOP. Ang regular na pagpapabakuna kontra rabies sa mga pet ay mahalaga dahil ito ang isa sa mga epektibong paraan upang maging ligtas ang bawat isa. Maaaring magpunta sa mga veterinary o bite clinic, gayundin, sa mga barangay na nagbibigay ng libreng bakuna kontra rabies.

3. HUWAG SILANG PABAYAAN SA LABAS NG BAHAY. Hangga’t maaari ay huwag silang hayaang magpagala-gala sa labas ng bahay o sa kalsada. Makabubuti kung mananatili sila sa bahay, lalo na kapag napakainit ng panahon. Pero kung kailangan talaga silang ilabas, siguraduhing mababantayan sila nang maayos.

4. ALAMIN ANG GAGAWIN KAPAG NAKAGAT NG HAYOP. Kapag nakagat ng aso o anumang alagang hayop, siguraduhing mahuhugasan agad ng malinis na tubig at anti-bacterial soap ang sugat o ang apektadong bahagi ng katawan at pumunta agad sa pinakamalapit na health center upang matugunan ng paunang-lunas. Iwasang saktan o patayin ang hayop na nakakagat dahil kailangan nitong maobserbahan sa loob ng dalawang linggo.

Sa kabila ng mga kaliwa’t kanang nangyayari ngayon sa bansa, ang pagiging maalam sa mga bagay-bagay ang dapat nating gawin. Tulad ng tao, ang mga alaga nating hayop ay meron ding pakiramdam pero dahil tayo ang mas nakaiintindi, tayo ang dapat magkusa o mag-adjust sa mga bagay na dapat gawin. Keep safe everyone!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page