Bumabandila ang ‘Pinas sa Las Vegas open
- Eddie M. Paez, Jr.
- Mar 15, 2020
- 2 min read

Nakawagayway pa rin ang tatlong kulay ng Pilipinas dahil sa tikas nina Zorren James “Dodong Diamond” Aranas, Dennis “Robocop” Orcullo, Jeffrey “Bata” De Luna at Warren “The Warrior” Kiamco na nananatili sa winners’ bracket ng malupit na 2020 Diamond Las Vegas Open sa Rio Hotel Casino ng Las Vegas, Nevada.
Nasa one-loss side naman sina Carlo ”Black Tiger” Biado at Alex ” The Lion” Pagulayan kung saan isang kurap na lang ay mag-aalsa-balutan na sila.
Nag-empake na palabas ng paligsahan sina Francisco “Django” Bustamante at Edgie Geronimo matapos silang makatikim ng tigalawang pagkatalo.
Nasalang na naman si Aranas sa giriang malupit pero nakahulagpos pa rin ito kontra kay Austrian Maxiillan Lechmer, 7-5, para manatiling malinis ang kartada sa paligsahang magbibigay ng dalawang tiket sa World 10-Ball Championships na sasargo na sa susunod na linggo. Nauna rito, nangibabaw rin siya laban sa pambato ng Great Britain na si Chris Melling, 7-5. Bitbit naman ni Aranas ang angas ng kanyang pagkakapanalo kamakailan sa Scotty Townsend Memorial 9-Ball Division nang manaig siya kontra kay Rory Hendrickson sa iskor na 7-5. Nakahambalang sa susunod niyang daraanan si Ian Costello ng USA.
Nasa center stage na rin si Orcullo matapos niyang sagasaan sina Che Wei Fu ng China (7-6), Great Britain pride Chris Daniel (7-0) at Ray “Silent Assassin” Robles (7-4). Si Taiwanese Kun Lin Wu ang susunod na susubok sa tatag ng dating World 8-Ball king at 2019 SEA Games 10-Ball champion na Pinoy.
Ang mga marka naman ni De Luna ay sa pamamagitan ng panalo laban kina US bet Eric Aicinena (7-1), Jayson Shaw ng Scotland (7-3) at ang Kastilang David Alcaide Bermudez (7-5) samantalang nabiktima naman ng Cebuanong si Kiamco sina Eugene Villena (71), Earl ”The Pearl” Strickland (7-3) at Rhian Hunter (7-1).
Sina Eklent Kaci at Chris Robinson Rheinhol ang susunod na sasagupain nina De Luna at Kiamco ayon sa pagkakasunud-sunod sa sagupaang umakit ng 128 na tigasing manunumbok mula sa iba’t-ibang parte ng mundo.
Bukod sa papremyong salapi para sa mga magpo-podium, papasok din sa World 10-Ball Championship na sisimulan sa susunod na linggo ang kukuha ng unang dalawang puwesto. Sa ngayon, sa talaan ng mga Pinoy cue artists, sina Biado, De Luna at Johann Chua pa lang ang swak sa World 10-Ball main draw.





Comments