Misa, kasalan at binyagan, bawal
- Mylene Alfonso
- Mar 14, 2020
- 1 min read

Suspendido sa loob ng isang linggo ang misa sa lahat ng Simbahan na sakop ng Archdiocese ng Maynila.
Ito ang nakasaad sa pastoral letter na pirmado ni Bishop Broderick Pabillo, tumatayong Apostolic Administrator ng Maynila na may temang A Call of Charity for the Common Good.
Sa dalawang pahinang pastoral letter ni Pabillo, nakasaad ang suspensiyon ng misa ay mula Marso 14 hanggang 20, 2020.
Ang nasabing desisyon ay kasunod na rin ng pagtaas sa sublevel 2 sa code red alert dahil sa banta ng COVID-19.
Samantala, kung si Cabinet Sec. Karlo Norales ang tatanungin, bawal ang pagpapakasal sa Metro Manila habang nasa ilalim ng community quarantine maliban na lamang
kung halos walang iimbitahing bisita ang ikakasal.
Iginiit ni Nograles ang pagbabawal sa mass gatherings o pagtitipon ng maraming tao. “Prohibited po. Pasensiya na po, we have to…” ani Nograles nang tanungin kaugnay sa mga nakatakda na ang kasal ngayong Marso 15 hanggang Abril 14, 2020.
Sa panig naman ni Trade Secretary Ramon Lopez, hindi aniya mapipigilan ang pag-ibig at iminungkahi na bawasan na lamang ang mga bisita kung saan makatitipid pa ang magpapakasal.
Ani Lopez, dapat panatilihin ang “social distancing”.
Aminado si Nograles na hindi nila napag-usapan sa isinagawang meeting ang isyu ng kasal pero, kung mga doktor aniya ang tatanungin, ‘pag sinabing bawal ay hindi talaga puwede.
Tiniyak naman ni Lopez na tutulong ang DTI na makuha ang refund ng mga nagpa-book na sa mga hotel at restaurant dahil isang “force majeure” o nagkaroon ng isang matinding pangyayari kaya hindi matutuloy ang okasyon.





Comments