Kulong at pagpapasara sa mga burarang ospital na nagkakalat ng hazardous waste
- Ryan B. Sison
- Mar 14, 2020
- 2 min read

Sa kasagsagan ng pagiging abala ng mga pagamutan dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), may ilang paalala sa kanila hinggil sa tamang pagtatapon ng hospital waste.
Ito ay kasunod ng pag-viral ng mga litrato ng blood vials na natagpuan sa paligid ng Subic Bay at base sa ulat, aabot sa 65 ang vials na may blood specimens.
Ayon sa mga awtoridad, maparurusahan sa ilalim ng Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 ang sinumang magtatapon ng hospital waste sa hindi tamang lugar.
Posible umano itong panganib sa kalikasan at kalusugan ng sinumang makakakita o makahahawak nito dahil maituturing na “hazardous” ang pagtatapon ng hospital waste.
Nakasaad umano sa Health Care Waste Management Manual ng Department of Health (DOH) na ang improper handling and disposal ng medical waste ay maaaring maging sanhi ng pagkalat ng mga sakit.
Halimbawa, ang pag-reuse ng discarded needles o accidental needle-sticks injuries ay maaaring maging sanhi ng pagkalat ng hepatitis, AIDS at iba pang blood-borne disease.
Samantala, bukod sa paglabag sa RA 6969, maaari pang sampahan ng kasong administratibo ng DOH ang ospital na lalabag tulad ng pagpapasara nito.
Ang pinakamabigat na parusa sa maling pagtatapon ng hospital waste ay 12 hanggang 20 taong pagkakakulong.
Napakahalaga ng tamang pagdi-dispose ng hospital waste, lalo na ngayong tuluy-tuloy ang pagkalat ng nakahahawang sakit sa bansa.
Sa dinami-rami ba naman ng pasyenteng mino-monitor at isinasailalim sa mga test araw-araw sa mga pagamutan, tiyak na sandamakmak na basura tulad ng mga gamit na karayom, syringe, surgical gloves, vials atbp. ang naiipon kaya dapat lang na gawin nang tama ang pagdi-dispose sa mga ito.
Paano pa kayo pagkakatiwalaan ng publiko kung kayo mismong responsable sa kaligtasan ng mga pasyente ay burara?
Baka sa halip na gumaling ay lumala pa ang sakit ng mga ito at ang masaklap, madamay pa ang ibang nasa paligid.
Hindi lang kaligtasan ng tao at kapaligiran ang pinag-uusapan natin dahil pati ang lisensiya at reputasyon ninyo ay nakasalalay dito.
Kaya para sa mga ospital d’yan, ‘wag kayong burara dahil sa umpisa pa lang ay alam n’yo na ang obligasyon ninyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments