Power firms na may bilyun-bilyong utang sa gobyerno, talupan!
- Ka Ambo
- Mar 13, 2020
- 2 min read
Makakakolekta ang gobyerno ng P46 bilyon mula sa mga independent power producers na may utang sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM).
Ito ay bunga ng masusing imbestigasyon ng House Committee on Good Government at House Committee on Public Accounts and Accountability.
Klap-klap-klap!
◘◘◘
KAHAPON ay itinuloy nina House Committee on Public Accounts and Accountability Chairman Anakalusugan Rep. Mike Defensor at House Committee on Good Government Chairman Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado ang imbestigasyon nito sa P95 bilyong utang ng mga power firm sa gobyerno pero kapansin-pansing hindi nagpartisipa ang komite ni Velasco.
Una nang inimbitahan nina Defensor at Sy-Alvarado si Velasco na makiisa sa imbestigasyon matapos sabihin ni Surigao Rep. Johnny Pimentel na ang House Committee on Energy ang may hurisdiksiyon pero no show naman sa ikatlong pagdinig kahapon!
◘◘◘
ANG komite ni Velasco ang may oversight power sa PSALM at sa buong power generation industry, may apat na taon na itong chairman ng komite pero hindi ito nagsagawa ng imbestigasyon sa isyu.
Ito ba ay dahil sa pagiging malapit nito sa negosyanteng si Ramon Ang na siyang may-ari ng South Premier Power Corp. (SPPC) na may utang sa gobyerno ng P24 bilyon?
◘◘◘
SINASABING may koneksiyon si Velasco kay Ang na itinuturong padrino sa pagtatangkang makopo ang Speakership.
Ang misis umano ng kongresista ay personal assistant ng tycoon.
Kinukuwestiyon din ang ulat na may malaking shares of stock ang kongresista sa San Miguel at Petron Corporations!
◘◘◘
UNA nang sinabi ni Defensor na hindi na nila hihintaying umaksiyon si Velasco kung may personal itong kadahilanan pero hindi mapipigilan ang kanilang komite na habulin ang mga power firm kabilang na ang SPPC.
Kabilang umano sa mga nag-commit na magbabayad ay ang SPPC na aabot sa P22.6 bilyon bilang advance sa kanilang monthly payment sa PSALM mula Marso hanggang Hunyo 2022!
◘◘◘
IBINUNYAG ni Defensor na maliban sa makukuha sa SPPC ay may P23.6 bilyon pa ang kokolektahin mula sa iba pang power firms kabilang ang Meralco (P15 billion); Northern Renewables Generation Corp. (P4.6 bilyon); FDC (Filinvest Development Corp.) Misamis Power Corp (P2.6 bilyon) at FDC Utilities, Inc. (P1.2 bilyon).
Umaasa si Defensor na ang iba pang independent power producers at electric cooperatives ay susunod na rin sa hakbang ng ibang kumpanya na magkukusang magbayad ng kanilang mga utang!








Comments