‘Wag OA, mas oks na kalma lang kesa matakot sa COVID-19

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
“Sa hinaba-haba man daw ng prusisyon, sa Simbahan pa rin ang tuloy.”
Ito ang napakatanda nang kasabihan na dapat nating panghawakan sa kasalukuyan dahil sa mabilis na pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Gaanuman kahaba at gaanuman kasakit ang ating kahaharapin dahil sa virus na ito ay natitiyak kong sa dulo nito ay may liwanag na naghihintay sa ating lahat kaya makabubuting maging kalmado lamang.
Dapat nating isipin na hindi lamang ang bansa natin ang kasalukuyang nagkukumahog para makahanap ng solusyon sa problemang ito dahil lahat na halos ng eksperto sa buong mundo ang hindi na natutulog para sa kalutasan nito.
Hindi ko sinasabing dedmahin natin ang nangyayari, dapat lang na lalo nating doblehin ang pag-iingat dahil wala namang ibang lalaban dito kung hindi tayo mismo.
Tulad na lamang noong Huwebes ay ipinag-utos ni Senate President Vicente Sotto III na i-lockdown pansamantala ang Senado, na sinabayan naman ng pamunuan ng Government Service Insurance System (GSIS) sa pagpapasara muna nila ng kanilang head office sa Pasay City kung saan narito ang Senado.
Ito ay matapos makumpirma na ang resource person na dumalo sa Senate hearing noong March 5 ay nagpositibo sa COVID-19 kasunod pa ng balitang ang asawa nito ay positibo rin sa naturang sakit.
May mga senador na direktang nakipag-usap sa naturang resource person ang nagdesisyon nang mag-self-quarantine at maging ang inyong lingkod ay kasalukuyang nagmamatyag sa sarili kong kalusugan.
Ngunit, hindi ito dapat makadagdag sa pagkapraning ng marami, sa halip ay gawin itong basehan na kayang labanan ang COVID-19 basta kalmado lamang at alam ang dapat gawin.
Huwag tayong magsasawa sa pagmo-monitor sa radyo at telebisyon na halos paulit-ulit na ang ginagawang pagpapaalala sa mga dapat gawin sakaling magkaroon ng sintomas.
Halos lahat ay may cellphone at may access na sa social media at nagkalat na ang mga panuntunan kaya wala tayong dapat gawin kundi ang sundin ang mga ito at makinig sa pahayag ng pamahalaan.
Masyadong nagpa-panic ang marami dahil sa mga ulat na may mga namamatay na hinggil dito, ngunit, hindi natin napapansin na mas marami ang nagpositibo sa COVID-19 ang nakarekober na.
Ayon sa ulat ng Department of Health (DOH), mahigit na sa 50 porsiyento ang pinauwi na mula sa ilang araw na obserbasyon at gamutan at normal nang nagbalik sa kani-kanilang buhay.
Ibig sabihin, kung hindi lang tayo magpa-panic ay kayang-kaya natin ang problemang ito at huwag tayong mag-atubiling magtungo sa pagamutan sakaling makaramdam na ng mga sintomas.
Alalahanin natin na tayo ay puwedeng maging biktima ng COVID-19, ngunit, ilagay din sa ating isipan na kung hindi tayo, sino ang lalaban para puksain ang virus na ito?
Palagi ninyong tatandaan na hindi tayo bibigyan ng pagsubok na hindi natin kaya at isang araw ay magigising tayo na tapos na ang lahat ng ito at parang masamang panaginip lamang ito.
Pero kung mauunahan kayo ng takot at wala ka namang gagawing pag-iingat ay tiyak na mamamatay kang dilat.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments