top of page

‘Pinas vs. Kazakhstan sa c’ship match ng q’fying

  • Gerard Arce
  • Mar 12, 2020
  • 2 min read

Hindi pinawalang saysay ni 2020 Tokyo Olympic-bound Eumir Felix Marcial ang pagkakataon na maipagpatuloy ang tagumpay sa men’s under-75kgs category nang tuluyang pasukin ang championship round ng Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament sa Prince Hamzah Sports Hall sa Amman, Jordan. Pinanindigan ng 24-anyos na tubong Lunzuran, Zamboanga City ang pagiging top seed nito nang tapusin si Ashish Kumar ng India sa bisa ng 4-1 split decision na panalo at itakda ang championship match laban kay 2018 Jakarta-Palembang Asian Games silver medalist Abilkhan Amankul ng Kazakhstan. Bilang nalalabing Pinoy na pasok sa medal matches at nag-iisang Pinoy pug ngayon na nakakuha ng ticket sa Summer Games simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan, buong pusong lumalaban ang kampeon ng 30th SEAG para makuha ang gold medal sa 9-day boxing event para sa kuwalipikasyon ng Asia-Oceania Continental.

Lalaban para sa box-off sina SEAG medalist Carlo Paalam at Irish Magno sa men’s under-52kgs Flyweight division at women’s under-51kgs class. Naging kontrobersyal ang laban ng biennial meet light-flyweight gold medalist nang matalo ito sa pamamagitan ng 1-4 split decision kay 2019 Yekaterinburg World Championships silver medalist Amit Panghal ng India.

Mas naging epektibong manlalaro si Paalam laban sa Indian boxer nang makuha nito ang unang round via 3-2 dahil sa magagandang kombinasyon at patama laban kay Amit. Patuloy ang mga matutulis na suntok ni Paalam sa second round, habang nagpapatama rin si Amit ng left-right combination, ngunit napunta kay Amit ang sumunod na round sa 1-4. Marami ang hindi pumabor sa ipinakitang laro ng Indian boxer sa huling round dahil higit na pursigido si Paalam sa huling round, ngunit nakuha pa rin nito ang boto ng mga hurado sa 1-4 split decision. Hindi man maipagpapatuloy ni Paalam ang laban sa semifinals ay lalaban pa rin ito sa Box-Off laban kay Saken Bibossinov ng Kazakhstan na natalo kay Hu Junguan ng China via 0-5. Anim na boksingero ang mabibigyan ng tsansa para sa Asia-Oceania para sa Olympics.

Nahirapan din si SEAG silver medalist Magno sa mga kombinasyong ibinato ni Mary Kom ng India na nanaig sa pamamagitan ng 0-5 unanimous decision, ngunit magkakaroon pa ito ng pagkakataon na makapasok sa Olympiad sakaling manaig ito sa Box-Off laban kay Sumaiya Qosimova ng Tajikistan. Mayroong nakalaang anim na slot.

Parehong tig-anim na manlalaro para sa kontinente ng Asia-Oceania ang kukunin para makakuha ng ticket sa Tokyo Olympics. Sakaling hindi manaig sina Paalam at Magno sa Box-off, makakasama nito sina 2019 world champion Nesthy Petecio, Riza Pasuit, James Palicte at Ian Clark Bautista na lumaban para sa World Championship na gaganapin sa Mayo 13-20 sa Paris, France.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page